Mariing kinundena ng grupong Gabriela ang panggigipit ng rehimeng US-Marcos, gamit ang mga alipures nito, kay Tess de Jesus, dating tagapangulo ng Gabriela Womens’ Party (GWP)-Marikina.
Ayon kay de Jesus, binisita siya ng tatlong nakasibilyang lalaki noong Agosto 13 at pinipilit na ‘sumuko’ kapalit ng ayuda ng gubyerno. Pinapatigil din siya ng mga ito sa kaniyang paglahok sa mga aktibidad ng GWP.
“Bahagi ito ng modus operandi ng gubyerno laban sa mga sibilyan na arbitraryo at delikadong pinararatangang myembro di umano armadong grupo na malinaw na isang paglabag sa International Humanitarian Law at iba pang batas,” pahayag ni Cora Agovida, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
“Hindi mapatatahimik ng maruming taktika ng gubyerno ang makatarungang panawagan ng kababaihan, higit lalo sa gitna ng papalalang krisis sa kabuhayan, paninirahan, klima at karapatan,” paliwanag ng grupo.
Naganap ang insidente habang idinaraos sa bansa ang pinakamalaking panrehiyong kumperensya hinggil sa IHL kung saan ang gubyerno ng Pilipinas ang nangangasiwa sa aktibidad.
Ayon sa Gabriela, isang malaking insulto sa pakikibaka para sa demokratikong mga karapatan at makatarungang kapayapaan ng mga mamamayan ang pangangasiwa ng rehimeng US-Marcos sa kumperensya gayong siya mismo ang mayor na tagalabag ng IHL sa bansa.
“Ang kumperensya ay isang pagtatangka ng gubyerno upang takpan ang madugong rekord nito ng mga pang-aabuso, paglabag sa karapatang-tao at IHL, at marahas na pag-aatake sa sambayanang Pilipino. Lahat ng ito ay ipinapatupad sa ilalim ng mapanupil na polisiya at programa tulad ng EO70, Anti-Terrorism Law at ng National Action Plan for Unity, Peace and Development,” paliwanag ng grupo.
“Nananawagan kami sa internasyunal na komunidad na tumindig kasama namin at panagutin ang rehimen sa kanyang karahasan laban sa mga kababaihang Pilipino at mamamayan,” panawagan ng Gabriela.











