Pinatay ni Marcos ang usapang pangkayapaang GRP-NDFP sa ika-4 na SONA—PKP

Ang deklarasyon ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang ika-apat na state of the nation address (SONA) na “wala nang mga grupong gerilya” sa Pilipinas ay katumbas ng deklarasyon ng pagpatay sa posibilidad ng usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ayon sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

“Nagmamatigas siya at ang mga upisyal ng National Task Force (NTF)-Elcac na tumangging kilalanin at tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, hindi pa umuupo para sa pormal na usapang pangkapayapaan ang mga kinatawan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at NDFP. Wala ring makabuluhang hakbang ang rehimeng Marcos mula nang pirmahan ng GRP at NDFP ang Oslo Joint Statement noong Nobyemre 23, 2023.

Ang Oslo Joint Statement ay isang deklarasyon ng balak o paghahangad na muling buksan ang usapang pangkapayapaan at buuin ang balangkas kung papaano ito isasagawa. Isa itong pangkalahatang deklarasyon kung saan pinagsanib ang mga hangarin ng magkabilang panig: ang paglutas sa “malalalim na nakaugat na sosyo-ekonomiko at pulitikal na mga usapin” at “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian,” sa panig ng NDFP; at sa kabilang panig, ang “pagtatapos ng armadong pakikibaka” at “transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP,” na nilalayon ng GRP.

Ang pormal na mga negosasyon sa pagitan ng GRP at NDFP ay natigil noong 2017, sa ilalim ng rehimeng Duterte. Mula noon ay patung-patong na sagka ang ipinataw ng rehimeng Duterte at Marcos na balakid sa pagbubukas ng pormal na negosasyon.

Ayon kay Valbuena, ang kamakailang inilabas ng rehimeng Marcos na National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ay isa na namang panibagong sagka para sa pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. Aniya, sa balangkas ng NAP-UPD ay layunin lamang ni Marcos na itaguyod ang “lokal na usapang pangkapayapaan” na isang pinagandang katawagan sa kampanya ng panunupil ng militar sa mga komunidad ng magsasaka.

Ilang araw bago ang ika-apat na SONA ni Marcos, nanawagan ang Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP), samahan ng mga lider ng iba’t ibang simbahan sa Pilipinas, sa gubyerno na buksan ang negosasyong pangkapayapaan.

Ayon sa PEPP, habang patuloy na naaantala ang negosasyon ay nananatili at tumitindi ang mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Patuloy ang pag-iral ng matinding kahirapan, kagutuman, mababang sahod, kawalan ng lupa, pang-aagaw ng kabuhayan ng maliliit na mangingisda, at militarisadong mga komunidad ng katutubo sa kanayunan, anito.

“Sa kabila ng mga paghihirap na dinaranas ng karaniwang mga Pilipino, iilan lamang ang yumayaman, na nagpapalala sa lumalawak na agwat sa pagitan ng mga may kaya at mga walang kaya,” ayon sa PEPP.

Dagdag pa dito, laganap rin ang paglabag sa karapatang-tao at maging sa internasyunal na makataong batas na ipinatutupad sa mga lugar na mayroong armadong tunggalian, ayon sa PEPP. Tahasan nitong pinuna ang NTF-Elcac na pangunahing ahensya ng rehimeng Marcos para ipatupad ang patakaran sa Red-tagging at kampanyang panunupil.

“Sa natitirang tatlong taon na lamang ng kanyang termino, makatwiran lamang na huwag balewalain ni Pangulong Marcos ang mga sugat ng bansa dahil walang kapayapaan kung walang hustisya,” ayon sa PEPP.

Dagag pa ng grupo, kung walang prinsipyado at sustenableng solusyon tulad ng uspang pangkapayapaan na maawain, mapag-ayos, nakikipagtulungan, at matapat, ang mga hindi pa natutugunang isyu na ito ay patuloy na magbubunga ng armadong paglaban.

Source link