Muli nating alalahanin at buhayin sa ating mga rebolusyonaryong diwa at damdamin ang iniwang pamana ng mga mahal nating 11 Martir at Bayani ng Agosto sa isla ng Panay. Ialay natin ang pinakamataas na pagpupugay at pulang saludo sa kanilang katapangan na tangan ang armas hanggang sa huling hininga.
Ang Komite ng Partido sa Sentral na Prente ng Rehiyon Panay, kasama ang mamamayan at masa sa rehiyon, mga kaibigan, pamilya at mga mahal sa buhay ay taas-kamaong nagpapaabot ng pinakamataas na pagsaludo at papuri sa mga matapang na pulang mandirigma ng bayan bilang pag-alaala sa 11 Martir at Bayani ng Agosto sa isla ng Panay. Isang taon na ang nakalipas ngunit nananatiling sariwa sa ating mga isipan ang karumaldumal na pangyayari na nagbunsod ng kanilang kabayanihan. Ang 11 magiting na martir ay sina Vicente “Ka Hadji/LJ” Hinojales, Ma. Conception “Ka Concha” Araneta-Bocala, Rewilmar “Ka Mara/Minerva” Torrato, Benjamin “Ka Mamang/Ruby” Cortel, Aurelio “Ka Rio/Zarco” Bosque, Juvelene “Ka Porang/Akay” Silverio, Romulo “Ka Reagan/Pedik” Gangoso, John Paul “Ka Roling/Ronron” Capio, Jerry “Ka Miller” Tacaisan, Armando “Ka Nene/Kulot” Sabares, Jielmor “Ka Tango/Doc” Gauranoc.
Matatandaang noong nakaraang taon, Agosto 5, 2024 ay minasaker ng mga berdugo at teroristang militar sa ilalim ng 3rd ID PA ang 11 mga walang kalaban-labang kasama sa erya ng Sentral Panay sa hangganan ng mga probinsya ng Antique, Aklan at Iloilo. Tinawag natin itong pangyayari bilang mga Martir ng Agosto ng Panay.
Maalaalang noong nakaraang taon sa mayabang na pahayag sa midya ng teroristang militar na ang mga biktima ay nasawi diumano sa mga serye ng mga engkwentro na naganap sa Barangay Aglonok, Calinog at Barangay Cabatangan, Lambunao pareho sa probinsya ng Iloilo at Barangay Culyat, Valderama sa Antique.
Sa huling paniniyasat, batay sa ulat ng mga kasamang malapit sa pinagyarihan at sa ilang masa, walang naganap na engkwentro o palitan ng putok bagkus ay buhay pa ng nadakip ang 11 mga kasama, tinortyur, dinala sa iba’t-ibang lokasyon at doon sila unti-unting pinagkikitlan ng buhay. Pagkaraan nito ang pamomomba at walang patumanggang pagpapaputok ng mga militar para palabasing may naganap na lihitimong sagupaan ang mga kasama at mga militar.
Ito ay lantarang paglabag sa mga internasyonal na batas ukol sa pakikidigma, lalo na sa mga itinuturing na bihag ng digma o mga POW at sa mga hors de combat o wala na sa posisyon o kakayahang lumaban. Lantaran din itong paglabag sa karapatang pantao at sa internasyonal na batas sa karapatang pantao pati na rin sa CARHRIHL na pinagkasunduan at parehong pinirmahan ng NDFP at GRP.
Pinatay man ang 11 mga Kasama pero hindi mabubura sa mga pahina ng kasaysayan ang kanilang ginintuang papel at kontribusyon sa pagpapa-abanse ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas. Hindi kailanman mawawala o magiging abo na lang sa kasaysayan at lipunang Pilipino ang kanilang kadakilaan at kabayanihan. Mananatili silang buhay na huwaran at inspirasyon para sa mga nagpapatuloy at sa mga susunod pang henerasyon ng rebolusyonaryo at masa. Magsisilbi silang apoy sa patuloy na paglagablab ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa isla ng Panay at sa buong bansa.
Kaya ang pinakamatayog nating pag-alaala at pagkilala sa mga Martir at Bayani ng Agosto ay pagpapatatag mismo ng ating paninindigan sa rebolusyon. Ang pagpapatuloy natin sa hangaring kanilang pinag-alayan ng ginintuang buhay ang pinakakongkretong porma ng pagbibigay natin ng rebolusyonaryong hustisya. Ang pagtataguyod natin sa matagalang digmang bayan at pagyakap sa siyensya ng gerilyang pakikidigma ay katumbas ng pagsasakatuparan natin sa kanilang mga hangarin.
Nawalay man sila sa ating paningin ngunit kailanman ay hindi mananakaw sa ating mga puso’t damdamin ang kanilang alaala. Patuloy silang mag-uugat at magpapayabong bilang abono na magsisilbing walang-hanggang patnubay sa ating araw-araw na pamumuhay at paggampan sa mga gawain at hanggang sa maging ganap na malaya ang mamamayan at bansa mula sa matagal ng pang-aalipin at pagsasamantala.
Isabuhay ang diwa ng 11 Martir at Bayani ng Agosto ng Panay!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!










