Mga Pilipinong manggagawa sa barko, dinakip ng US Customs and Border Protection

Dinakip at sapilitang pinababa sa barkong pinagtatrabahuan nila ang 21 Pilipinong migrante ng mga ahente ng US Customs and Border Protection (CBD) habang nakahimpil ang barko sa pantalan ng Norfolk, Virginia, USA noong Hunyo 28. Ang iba sa mga dinakip ay pinauwi na sa Pilipinas. Lahat ng mga migranteng Pilipino ay may C1/D visa o visa para magtrabaho sa mga barko sa US sa loob ng 10 taon. Nagsisilbi silang “crew” noon ng Carnival Sunshine, isang cruise ship o barkong pamasyal.

Nagsimula ang pagtugis at pagdakip sa mga manggagawa sa barko noon pang Pebrero. Kabilang sa ni-raid ng CBD ay ang mga barkong Viking at Pearl Seas Cruises.

Karaniwang sa mga tinutugis ang kusinero, nagtatrabaho sa casino at custodian ng mga barkong ito. Inaalis sila sa barko at idinetine sa upisina ng CBD, sa hotel o sa paliparan kahit walang pormal na kaso na isinasampa sa kanila.

“Tinrato kaming kriminal. Hindi kami pinakain, walang tubig. Nag-iiyakan na kami. Gusto namin ng hustisya sa ginawa sa amin,” pahayag ni Marcelo Morales, kusinero sa barko at isa sa mga dinakip ng CBD.

Ayon kay Morales, nagsimula siyang pag-initan noong Mayo 30 nang samsamin ng mga ahente ng CBD ang kanyang selpon para tingnan kung may laman itong porn.

“Kinumpiska nila ang selpon ko at tiningnan ang laman. Pagkatapos nun tinanong ako ng upisyal kung nanonood ako ng mga porn na may bata, sabi ko hindi. Nang wala silang makita na, kin-lear nila ako at hinayaan akong bumalik sa barko. Walang kaso o kahit warning,” kwenro ni Morales.

Ngunit noong Hunyo 28 nang maghimpil uli ang kanilang barko sa Norfoll bumalik uli ang mga ahente at inaresto si Morales. Kinuha ang kanyang fingerprints at DNA sample at inaakusahan siya nang panonood ng mga bidyu na may pang-aabusong sekswal sa mga bata.

“Wala silang pinakitang bagong ebidensya, hindi na nila tiningnan uli ang cellphone ko, basta na lang nilagay ito sa puting plastik at inaresto na ako,” kwento ni Morales.

Walo pang Pilipinong manggagawa sa barko ang dinakip kasabay niya — isang kusinero, apat na steward, isang waiter at sanitation worker. Sapilitan silang inalis sa barko nang nakaposas ang kamay at paa.

Pinilit sila ng mga ahente na pumirma sa dokumento na nagkakansela sa kanilang C1/D visa.

“Dun na kami nag-panic. Nung tinanong namin kung ano ang kaso namin, sabi sa amin, ‘We cannot answer you.’” Sa kabila ng pagtanggi nilang pumirma, tinatakan parin ang kanilang visa ng “revoked” o kanselado.

Hindi sila pinayagan kumuha ng abogado at pinagbawalan silang gumamit ng telepono. Tanging istap ng human resources department ng barko ang bumisita sa kanila habang nakadetine. Ayon kay Morales, pakiramdam nila ay inabandona sila. “Sabi nila sumunod kami sa batas sa US pero walang nagpapaliwanag sa amin.”

Pag-uwi nila sa Maynila, binigyan sila ng upisyal na abiso na lumabag diumano sila sa Section 212 ng US Immigration and Nationality Act, o pagpasok sa bansa sa iligal na paraan o paglipat-lipat ng barko. Pinagbawalan rin sila na pumasok muli sa US sa loob ng 10 taon.

Ang pagtugis sa mga Pilipinong manggagawa sa barko ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pagtugis, pagdukot at pagpapalayas sa US ng pasistang administrasyong Trump laban sa mga imigrante sa US.

Source link