Mga protesta

 

Mga kababaihan, nagprotesta laban sa tumitinding kagutuman. Bitbit ang mga kaldero at kaserola, kinalampag ng mga myembro ng Gabriela, Gabriela Women’ Party at Amihan ang Department of Agriculture noong Hulyo 7 hinggil sa tumitinding kagutuman ng mamamayan. Binanggit nila ang kamakailang sarbey ng Social Weather Stations, na nagsasabing isa sa bawat limang pamilyang Pilipino, o 27.2% ang nakakaranas ng “involuntary hunger” o kagutuman dulot ng kahirapan, karahasan o pagbabago sa kapaligiran.

Mga manggagawang pampubliko para sa dagdag sweldo at katiyakan sa trabaho. Nagsama-sama ang mga kawani, guro at manggagawang pangkalusugan sa pampublikong sektor sa isang protesta noong Hulyo 11 sa Quezon City para ipanawagan sa rehimeng Marcos ang dagdag sweldo at katiyakan sa trabaho. Isinagawa nila ang pagkilos ilang linggo bago ang ika-4 na state of the nation address ni Ferdinand Marcos bilang pagdidiin sa matagal na nilang kahingian. Pangunahin nilang panawagan ang pagtugon ng estado sa bumabagsak na kalidad ng buhay ng mga kawani sa harap ng tumataas na implasyon.

Pagtatayo ng Ahunan Dam, muling tinutulan ng mga Lagunense. Mahigit isang libong residente ng Pakil, Laguna, kasama ang mga organisasyon ng taong-simbahan, kabataan, magsasaka, mangingisda, at mga tagapagtanggol ng kalikasan, ang nagmartsa noong Hulyo 5 para ipahayag ang kanilang matinding pagtutol sa itinatayong Ahunan Dam. Mula sa Saint Peter of Alcantara Parish Church, nagmartsa ang mga raliyista patungo sa upisina ng Ahunan Power Inc., kung saan binasa ang pahayag ng pagkakaisa at ipinahayag ang galit ng mamamayan.

Bagong CBA, naipanalo sa Fuji Electric Philippines. Sa patuloy na paggigiit, naipanalo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa sa Fuji Electric Philippines Inc. (LNMFEP-OLALIA-KMU) ang dagdag sahod at iba pang mga benepisyo para sa bagong collective bargaining agreement. Taun-taon silang makakakuha ng dagdag na ₱50 sa loob ng tatlong taon, makakatanggap ng alawans sa pagkain, bigas at iba pa. Ang kumpanya ay pagawaan ng semikonduktor na nakabase sa Laguna.

Source link