Ang Bayan Ngayon » Pagsangsyon ng US sa eksperto ng UN, atake sa karapatang-tao

Malawakang kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao sa US, gayundin ng iba’t ibang internasyunal na institusyon at ahensya, ang pagpataw ng US ng mga sangsyon o mga hakbanging panggigipit kay Francesca Albanese, ang Special Rapporteur on human rights in the Palestinian territories occupied since 1967 ng United Nations (UN). Tinawag nila itong “hindi pa napapantayang atake sa sistema ng UN para sa karapatang-tao at sa internasyunal na batas.”

Inianunsyo ang mga sangsyon noong Hulyo 9 ni Marco Rubio, Secretary of State ng US. Kinabibilangan ang mga ito ng pag-freeze sa mga ari-arian sa US ni Albanese, pagbabawal sa mga Amerikano at Amerikanong kumpanya na pumasok sa anumang pinansyal na transaksyon sa kanya, at pagbabawal sa kanya na makapasok sa US. Siya ang unang UN Special Rapporteur na pinatawan ng gayong mga sangsyon. Direktang paglabag ang mga ito sa Convention on the Privileges and Immunities of the United Nations (1946) na naggagarantiya sa ligal na proteksyon sa mga upisyal at eksperto ng UN habang ginagampanan nila ang kanilang upisyal na mga tungkulin.

Nanawagan ang mga grupo sa karapatang-tao na agad na bawiin ng US ang mga sangsyon. Anila, bahagi ang mga ito ng tuluy-tuloy na pagpapahina ng US sa internasyunal na mga mekanismo para sa pagkakamit ng hustisya. Ang atake ng gubyernong Trump kay Albanese ay paghihiganti ng US sa panawagan niyang litisin ang mga upisyal ng Israel sa International Criminal Court (ICC) at sa tuluy-tuloy niyang pagbubunyag ng mga paglabag ng Israel sa mga karapatang-tao ng mga Palestino sa Gaza.

Dagdag ng mga grupo, ginawang “hindi lehitimo” ng mga sangsyon ang naging trabaho ng daan-daang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa mundo. Nanawagan din sila sa ibang mga gubyerno na “itakwil at pahinain ang epekto ng mga sangsyon at protektahan at itaguyod ang buong independensya” ng mga UN Rapporteur.

Kabilang sa grupong kumundena sa mga sangsyon ang CIVICUS, International Service for Human Rights (ISHR), Front Line Defenders, Bahrain Centre for Human Rights, at ang American Civil Liberties Union.

Source link