Hatol na maysala sa Talaingod 13, pinababaligtad ng mga progresibong grupo

Nagprotesta sa harap ng Court of Appeals sa Maynila ang iba’t ibang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Defend Talaingod 13 Network noong Hulyo 15. Panawagan nila ang pagbabalitgad sa hatol na maysala ng Tagum City Regional Trial Court Branch 2 laban sa Talaingod 13.

Ang Talaingod 13 ay di makatarungang hinatulang nagkasala sa kasong child abuse (pang-aabuso ng bata) noong Hulyo 15, 2024. Sinampahan sila ng kasong ito kaugnay ng pagsaklolo nila sa mga guro at 14 na estudyante ng paaralang Lumad sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil, Talaingod Davao del Norte noong Nobyembre 28, 2018.

Ang mga humingi ng tulong sa kanila ay kumahaharap noon ng panggigipit at pagbabantang papatayin mula sa mga tauhan ng paramilitar na grupong Alamar sa sulsol at atas ng 56th IB. Bago noon, nagpataw ang militar ng blokeyo sa pagkain at iba pang suplay sa paaralan, at sapilitang ikinandado ang mga paaralan.

Kabilang sa Talaingod 13 sina dating ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, dating Bayan Muna Rep.Satur Ocampo, administrador ng Salugpongan Learning Center na si Eugenia Victoria Nolasco, at mga guro ng paaralang Lumad na sina Jesus Madamo, Meriro Poquita, Maricel Andagkit, Marcial Rendon, Marianie Aga, Jenevive Paraba, Nerhaya Tallada, Ma. Concepcion Ibarra, Nerfa Awing, at Wingwing Daunsay.

Matapos ilabas ang hatol sa 13, nagsumite sila ng apela sa Court of Appeals ngunit hanggang ngayon ay wala pang desisyon ang korte sa kanilang petisyon.

“Malisyosyong inilarawan ng korte ang kanilang makataong gawain bilang isang kaso ng ‘pagsasapanganib sa bata’ dahil ang kanilang grupo ay kailangang maglakbay sa mapanganib na teritoryong kinokontrol ng Alamara bago sila nakarating sa mas ligtas na lugar,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupong Karapatan.

Dagdag niya, maituturing na isang malaking katangahan ang paghatol sa Talaingod 13 ng apat hanggang anim na taon na pagkakakulong dahil sa pagsaklolo sa mga kabataang Lumad. “Habang pinapayagang makalusot nang walang kaparusahan ang Alamara, ang 56th IBPA, at iba pang sistematikong lumalabag sa mga karapatan ng mga batang Lumad,” ayon ka Palabay.

Isa lamang ang insidente sa Talaingod sa mas malaki pang larawan ng pag-atake ng dating rehimeng Duterte sa karapatan at paaralan ng mga Lumad, ayon kay Palabay. Matatandaang ibinulalas ni Duterte ang atas na bombahin ang mga paaralang Lumad at kalaunan ay ipinasara ang higit 250 paaralang Lumad sa Mindanao.

“Isang taon matapos ang hindi makatarungang hatol laban sa Talaingod 13 muli naming pinalalakas ang aming panawagan na baligtarin ang desisyon ng korte,” ayon kay Palabay.

Nakiisa rin sa panawagan ang Bagong Alyansang Makabayan. Anang grupo, kabilang ito sa mga ipapanawagan nila, kasama ang pagbatikos sa paggamit sa batas para patahimikin ang mga tumitindig, sa nakatakdang malawakang protesta sa araw ng ika-4 na State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr.

Source link