Ipinagbubunyi ng mamamayan ng bayan ng Victoria at lahat ng Mindoreño ang matagumpay na isinagawang ambush ng mga Pulang mandirigma ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro laban sa mga elemento ng Philippine National Police (PNP) bandang 3:35 ng hapon ng Hulyo 13, 2025 sa Barangay Bagong Silang, Victoria, Oriental Mindoro. Tinambangan ng NPA ang isang back to back ng PNP lulan ang 5 personnel nito habang binabaybay ang kalsada. Napatay ang 2 pulis sa nasabing ambush habang organisadong nakaatras ang mga Pulang mandirigma.
Pinasusubalian ng taktikal na opensiba sa Bagong Silang ang kasinungalingan ng 203rd Infantry Brigade, PNP MIMAROPA at ilang mga yunit ng lokal na gubyerno sa Mindoro na malapit nang makamit ng isla ang katayuang “insurgency free” dahil halos ubos na ang NPA sa Mindoro at wala nang kakayahang lumaban ang Pulang hukbo.
Sampal sa mukha ng mga reaksyunaryong armadong pwersa ang opensiba laluna’t sinusundan ng aksyong militar na ito ang aktibong pag-depensa ng isang yunit ng NPA laban sa umaatakeng tropa ng 76th Infantry Battalion (IB) noong Pebrero sa karatig na bayan ng Pola kung saan tatlo ang patay sa kaaway.
Tugon ito ng NPA Mindoro sa kahilingan ng mga Mindoreño na panagutin ang AFP-PNP sa teroristang kampanya nito sa mga bayan sa Central Oriental Mindoro.
Ang masidhing militarisasyon at kakambal nitong paglabag sa karapatang tao ang tugon ng 76th IB at iba pang pwersa ng estado sa kanilang pagkatalo sa mga labanan mula pa noong Nobyembre 2024 sa Socorro at nitong Pebrero sa Pola. Ibinabaling ng AFP-PNP ang kanilang galit sa mga sibilyan sa pamamagitan ng walang awat na mga operasyong lumiligalig sa mga pamayanan. Pinahihirapan ng mga operasyon ng AFP-PNP at kanilang pang-aabuso sa awtoridad at kapangyarihan ang mamamayan sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga tao na pumunta sa kanilang mga bukid at pangisdaan, panghahalughog sa kanilang mga bahay, pananakot, pambabanta at iba pang paglabag sa karapatang tao.
Ang militarisasyon at di deklaradong batas militar sa buong isla ay nagsisilbing proteksyon ng mga pumapasok at nag-oopereyt na mga dambuhalang negosyo na tinututulan ng mamamayan dahil sa pangwawasak ng mga ito sa kalikasan at sa buhay at kabuhayan ng mga Mindoreño. Halimbawa na lang nito ang pitong kwari site sa Victoria na pinayagan ng lokal na gubyerno. Nakaamba rin ang pagpasok ng malaking operasyon ng mina sa Victoria mula sa pagbuhay sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Mindoro Nickel Project. Pipinsalain ng mga ito ang libo-libong ektaryang lupain kung saan nakaasa ang kabuhayan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan. Bago pa man ganap na mag-opereyt ang mga negosyong ito, nauuna nang pumasok ang AFP-PNP upang pigilan ang pagtatanggol ng mamamayan sa kanilang lupa at likas na yaman..
Ito ang dahilan bakit ipinagbubunyi ng lahat ng Mindoreño ang opensiba sa Bagong Silang. Patuloy na sinusuportahan ng mamamayang Mindoreño ang NPA sapagkat alam nila na ang Pulang hukbo ang kanilang pinakamaasahang katuwang sa paglaban sa lahat ng pagsasamantala’t pang-aapi.
Tungkulin ngayon ng mga Pulang kumander at mandirigma na palaganapin ang katulad na mga aksyong militar laban sa mga kaaway ng mamamayan. Sa gabay ng Partido at kilusang pagwawasto, dapat seryosong iwaksi ang konserbatismong militar at ilunsad ang paparaming mga taktikal na opensiba batay sa kakayahan ng mga yunit ng NPA. Sa ganitong paraan, makakapagpanibagong lakas ang ating hukbo, maipagtatanggol natin ang mamamayan at mabibigyang katuparan ang panawagan para sa pagpapataas ng antas ng digmang bayan sa isla ng Mindoro.