Mariing kinundena ng Migrante Netherlands ang mga panukalang batas na Asylum Emergency Measures Act at ang Two-Systems Act na hinain ng mga kinatawan mula sa mababang kapulungan noong Hulyo 3. Kung maisabatas, paiigtingin nito ang pagtratong kriminal sa mga migrante at matatanggal ang mga karapatan ang mga refugee.
Tinaguriang “pinakamahigpit na patakaran sa asylum sa kasaysayan”, layon ng panukalang batas na suspendihin nang walang taning ang proseso sa pag-aplay para sa mga naghahangad ng asylum. Libu-libong mamamayan na tumaatakas dahil sa gera, pagtugis at kahirapan ang malalagay sa alanganin at walang kasiguruhan. Magiging mas mahigpit ang proseso sa pagkuha ng asylum na tiyak na magpapababa ng tsansa na makakuha ng ligal na istatus ng mga nais tumira sa bansa.
Sa two-status system na ihinain sa kongreso, ilalagay sa dalawang kategorya ang mga refugee: ang mga lumikas dulot ng personal na panunugis dahil sa kanilang kasarian, relihiyon, lugar na pinagmulan at mga lumikas dahil sa gera o sakuna. Sa ilalim ng ganitong sistema, ang mga lumikas dahil sa labanan at karahasan ay bibigyan lamang ng kaunting karapatan, mas maikling panahon para sa paninirahan at pipilitin na bumalik sa kanilang pinanggalingang bansa, oras na ‘bumuti’ ang sitwasyon. Lilimitahan din ng panukalang batas ang karapatan na makapiling ang pamilya ng parehong grupo, sa partikular ang bilang ng kapamilya na pwedeng dumalaw sa refugee.
Ang malala, ituturing na kriminal ang sinuman na indibidwal, organisasyon at komunidad na magbibigay ng ayuda, suporta o panandaliang matitirhan sa mga migrante na walang dokumento. Kabilang sa mga ito ang simbahan, charities, at mga organisasyon na nagsusulong ng kagalingan ng mga migrante. Ayon sa Migrante Netherlands “ang lantarang atake sa karapatan na magbigay ng makataong tulong ay malupit, hindi makatao at dapat tutulan ng buong komunidad ng mga migrante sa Netherlands.”
“Bilang Pilipinong migrante sa Netherlands, alam namin na ang migrasyon ay hindi krimen kundi bunga ng krisis. Karamihan sa amin ay napilitan na lisanin ang aming bansa dahil sa kawalan ng trababaho, kahirapan at pampulitikang panunugis- parehong kondisyon na nilikha at pinalala ng imperyalistang patakaran na ipinapatupad ng estadong Dutch, kabilang ang neoliberal na kasunduan, alyansang militar, at pagmimina sa mahihirap na bansa,” paliwanag ng grupo.
“Ang batas na ito ay isang paalala sa pagtraydor ng gubyerno ng Pilipinas sa sarili nitong mamamayan,” puna ng grupo. Patuloy na pinaiigting ng rehimeng US-Marcos ang labor export policy, ang pagtrato sa Plipinong manggagawa bilang kalakak na pinapadala sa ibang bansa habang wala itong ginagawa upang tugunan ang pang ekonomiya at pampulitikang kundisyon na nagtutulak sa mga Pilipino upang umalis ng bansa.
Sa kabila ng bilyun-bilyong remitans na pinapadala ng mga migrante, hindi binibigyan ng rehimen ng proteksyon, ligal na suporta, o pagkakataong makabalik-banasa ang mga migranteng manggagawa. “Ang malala ay nanatiling itong kimi sa harap ng lantarang paglabag sa aming mga karapatan.”
“Nanawagan kami sa Embahada ng Pilipinas sa The Hague na aktibong magbigay ng suporta at ligal na tulong sa mga Pilipinong migrante sa Netherlands, laluna ang mga walang dokumento na direktang maapektuhan ng panukalang batas. Nananawagan rin kami sa mga mamamayang Dutch, alyado at sa mga sumusuporta na tumindig at suportahan ang laban na ipagtanggol ang karapatan, kaligtasan at pagkatao ng mga migrante. Ang mga migrante, anuman ang kanilang ligal na istatus, ay hindi dapat pabayaan o iwanan sa harap ng umiigting na kriminalisasyon at pagbubukod,” panawagan ng Migrante Netherlands.