Muling nanawagan ang mga kapamilya, kaibigan, dating katrabaho at alyadong organisasyon ni Sally Crisostomo-Ujano, tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan at bata, para sa kagyat niyang paglaya sa isang press conference noong Hulyo 10. Kasabay nito ang panawagan para sa pagsasabatas ng Human Rights Defenders Protection Bill at pagbuwag sa National Task Force-Elcac.
Si Ujano ay tatlong dekada nang nagtatanggol ng karapatan ng kababaihan at bata. Nagsilbi siya bilang executive director ng Women’s Crisis Center mula 2000 hangang 2007. Noong 2008 hanggang sa siya ay dakpin, ay nasilbi siya bilang National Coordinator ng Philippines Against Child Trafficking. Naging bahagi rin siya sa pagbubuo at pagpapatupad ng Anti-Violence against Women and their Chidlren Act of 2004.
Dinakip si Ujano ng mga nakasibilyan na pulis noong Nobyembre 14, 2021. Pinaratangan siyang sangkot sa isang ambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Quezon noong 2005. Inakusahan rin siya bilang mataas na upisyal ng Partido Komunista ng Pilipinas at BHB.
Noong Mayo 2024 ay sinintensyahan siya sa kasong rebelyon na may parusang pagkakakulong ng 10 hangang 17 taon at 4 na buwan.
Kasalukuyan siyang nakapiit sa Correctional Institute for Women sa Taguig City. Maraming kinakaharap na sakit si Ujano, tulad ng hypertension, heart arythmia, ostheoarthritis at scoliosis na hindi kinikilala ng klinika ng Bureau of Correction.
Nanawagan ang pamilya ni Ujano sa rehimeng Marcos na palayain siya sa makataong batayan. Nanawagan din ang iba’t ibang grupo sa pagsasabatas ng panukalang batas na HRD at anila, “ang pagsusulong ng karapatang-tao ay mahalaga para sa paglikha ng makatarungan at makataong lipunan.”
Nagpahayag ng pakikiisa sa panawagan para palayain si Ujano ang Salinlahi Alliance for Children’s Concerns at si Sarah Elago ng Gabriela Women’s Party.