Pinatawan ng kaparusahang kamatayan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang elemento ng bandidong Revolutionary Proletarian Army (RPA) na si Junsly Vallente. Inilunsad ng BHB ang operasyon noong Hulyo 11 sa Sityo Harvey, Barangay Minapasok, Calatrava, Negros Occidental.
Narekober mula kay Vallente ang isang .45 pistola, limang magasin at mga bala. Isinagawa ito ng hukbong bayan dahil sangkot siya sa iba’t ibang krimen laban sa masang magsasaka at isa siya sa mga ahente sa paniktik ng 79th IB.
Ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros, kabilang sa mga tampok na krimen ni Vallente ang pangraratrat ng baril sa kampuhan ng mga magsasaka noong 2012 sa Sityo Minauyahan, Barangay Minautok sa Calatrava. Maraming magsasaka ang nasugatan sa pamamaril at pitong kalabaw ang namatay.
Isang kaso rin ng pagpatay sa isang residente ng Cadiz City ang kinasangkutan ni Vallente. Sa ilang taon, umabot rin sa 18 ang mga kalabaw na pinatay ni Vallente na lubhang nakaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Liban dito, nagsilbi siyang armadong tauhan ng warlord na si Baby Lumayno na nangangamkam ng lupa ng mga magbubukid.
Ang RPA na kinabilangan ni Vallente ay isang armadong grupo na itinatag nina Arturo Tabara at Nilo de la Cruz mula sa mga kasapi ng BHB, pangunahin sa Negros Island. Itinatag ang bandidong grupo noong 1996 bilang armadong galamay ng bumiyak na Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawà ng Pilipinas na hindi pumaloob sa desisyon ng ika-10 Plenum ng Komite Sentral ng Partido at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.
Ang pinagsanib na RPA at Alex Buncayao Brigade, huwad na partisanong grupo sa Metro Manila, ay pormal na lumagda noong 2000 ng kasunduan sa reaksyunaryong gubyerno ni Estrada at mula noon ay naging aktibong katuwang ng Armed Forces of the Philippines laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayang Pilipino. Marami sa kanila ay naging bahagi na ng Civilian Armed Forces Geographical Unit at nagsisilbing ahente ng AFP.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, kabilang ang RPA-ABB sa mga inalok nito ng amnestiya sa bisa ng Proclamation 403 na nagkabisa noong Marso 4, 2024. Iaabswelto ng amnestiya ang mga krimen ng RPA-ABB laban sa mamamayang Pilipino.