Mamamayang Mindoreño, magkaisa at wakasan ang teroristang atake ng estado gamit ang ATL sa isla ng Mindoro!

Sa ikalimang taong anibersaryo ng pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law (ATL) ngayong Hulyo 18, naipakita at nagampanan ng batas na itong ilantad ang reaksyunaryong gobyerno sa tunay na katangian niya- bilang isang marahas na instrumento ng naghaharing uri upang supilin ang mamamayan at kanyang mga kritiko. Lubos na hinubad ng nakatayong gobyerno ang pagkukunwaring may malasakit ito sa taumbayan. Kaya ang pagpapatupad ng batas na ito ay nagtulak upang mahiwalay at kamuhian siya ng sambayanan at naging matabang lupa upang mas matibay na manindigan ang mga Mindoreño na labanan ang terorismo ng estado na binibigyang ligalidad ng ATL at patuloy na nananawagan para sa pagbabasura nito.

Bilang isa sa pinakamatingkad na mukha ng terorismo ng gubyerno, epektibong nagamit at ginagamit ng dating rehimeng Duterte at ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. ngayon ang ATL para sa panunupil sa mamamayan. Winawasiwas ng mga militar at pulis ang ATL para sa kanilang kampanyang psywar na naghahatid ng matinding takot sa masang Mindoreño laluna sa pamayanan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan na maya’t mayang nililigalig ng mga operasyong militar.

Sa pinakahuling tala, may 14 na nakasampang kaso gamit ang ATL sa mga korte sa isla. Nakabinbin ang mga kasong ito sa kabila ng kabiguan ng mga pwersa ng estado na magbigay ng matibay at sapat na ebidensya laban sa mga inaakusahan nilang mga “terorista.”

Noong 2021, limang sibilyan ang kinasuhan ng paglabag sa ATL ng AFP dahil lamang nakatira sila malapit sa lugar kung saan naganap ang labanan sa pagitan ng AFP at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Brgy. Tuban, Sablayan, Occidental Mindoro. Apat na taon nang nakakulong ang lima ngunit wala pa ring maipakitang ebidensya ang AFP.

Sunod na sinampahan ng kaso noong Hunyo 2024 ang mag-asawang negosyante na sina Marlon at Lilibeth Estrella mula sa Roxas, Oriental Mindoro. Inaakusahan ng AFP ang dalawa na nagbebenta ng groceries sa BHB at kinasuhan ng paglabag sa Anti-Terrorism Financing Law (ATFL). Noon namang Hulyo 2024, hinuli ng mga sundalo ang mag-asawang katutubong Mangyan na sina Tevin at Endelyn Malan mula sa Bulalacao, Oriental Mindoro. Ayon sa gawa-gawang kwento ng mga sundalo, ang mag-asawa ay nahulihan ng mga pasabog at baril sa sasakyan na gamit nila sa pamamasada. Nakakulong hanggang ngayon ang dalawa sa bisa ng ATL. Kasama rin nilang nahuli at ikinulong ang dalawa nilang pasahero na pinagbibintangan namang mga miyembro ng BHB.

Sa limang taong pag-iral ng nasabing batas mula sa rehimeng Rodrigo Duterte hanggang sa ilalim ng rehimen ni Marcos Jr., pinatutunayan na makatwiran ang pagbatikos at paglaban ng mamamayan sa ATL. Pinakabatayang dahilan ng pagbatikos dito ang masaklaw at malabong pakahulugan nito sa terorismo. Sa aktwal, naipapakulong ng mga sundalo at pulis ang kanilang mga target batay sa simpleng hinala at mga walang batayang akusasyon. Binibigyang laya ng batas ang mga pwersa ng estado na malawakang labagin ang karapatan ng mamamayan sa due process o karampatang proseso ng batas. Tinatanggalan din ang mga biktima ng di makatarungan at di makatwirang pag-aresto at detensyon ng kanilang karapatan para panagutin at kasuhan ang mga pwersa ng estado.

Mabisa ding kagamitang pang-psywar ang ATL. Sa kanayunan, pinambabanta ng mga sundalo’t pulis na kakasuhan at ikukulong ang sinumang sumusuporta sa BHB–diumano’y kahit pagpapainom ng tubig sa BHB ay sapat nang dahilan upang ituring na terorista at ipakulong ang isang tao. Kakumbina naman ang EO70 o NTF-ELCAC, ginagamit din ng AFP ang whole of nation approach upang pakilusin ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno para sa kanilang kampanyang psywar. Karaniwang kaganapan na pinapasok ng militar ang mga information drive, pamimigay ng ayuda, seminar sa barangay o sa mga eskwelahan at iba pang aktibidad at programa ng mga sibilyan na ahensya para sa redtagging, pagpapakalat ng mali-maling impormasyon at pananakot gamit ang ATL.

Ang ATL at teroristang kampanya ng gubyerno ay mga susing bahagi ng pagpapatupad ng di deklarado o de facto martial law sa isla ng Mindoro na pinangungunahan ng 203rd Infantry Brigade at PNP MIMAROPA.

Walang ibang sagot sa terorismo ng estado kundi ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan. Dapat buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mga Mindoreño para sa pagtatanggol ng kanilang karapatang tao. Dapat ipanawagan ang kagyat na pagpapabasura sa ATL at ATFL. Dapat ipaglaban ang pagpapalaya sa lahat ng kinulong gamit ang mga batas na ito. Kinakailangang matapang at matibay na tumindig ang mga Mindoreño para makamit ang hustisya para sa lahat ng biktima ng teroristang kampanya ng estado sa Mindoro!

Higit sa lahat, dapat isulong ng mga Mindoreño ang rebolusyonaryong kilusang masa kakumbina ng pagsuporta at pagsusulong ng armadong pakikibaka bilang pinakamabisang paraan ng pagtatanggol laban sa rumaragasang terorismo ng estado. Tanging sa armadong paglaban malalansag ang Martial law sa Mindoro, mapaparusahan ang AFP-PNP upang mabigyang hustisya ang kanilang biktima sa kanilang paglabag sa karapatang tao ng mga Mindoreño. Pinakahuli, tanging sa pagpapalakas sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan madudurog ang mapanupil na estado at maipapalit dito ang gubyernong bayan na tunay na magtataguyod at kakalinga sa mga batayan at demokratikong karapatan ng mamamayan.

Mamamayang Mindoreño, labanan ang terorismo ng rehimeng Marcos Jr.!

Magkaisa at ipanawagan ang pagbasura sa ATL!

Ipaglaban ang hustisya para sa mga biktima ng terorismo ng estado! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!

Source link