Habang ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos ang positibong mga datos ng empleyo, hindi nito mapasusubalian ang patuloy na pagkalugmok ng milyun-milyong manggagawang Pilipino sa miserableng mga kundisyon. Sa tatlong taong panunungkulan nito, paulit-ulit na pinasusubalian mismo ng mga datos ng estado ang sinasabing “masiglang pamilihan ng paggawa.” Umiiral ang masidhing krisis sa trabaho na makikita sa paglaki ng hindi pormal na sektor, nakapakong sahod, at paglaki ng bilang ng mga trabahong hindi regular at mababang klase.
Noong Hulyo 8, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nadagdagan ng 1.35 milyon ang mga Pilipinong itinuturing na nasa labor force. Samantala, tumaas din ang bilang ng mga may trabaho nang 1.42 milyon. Pero hindi ito ang buong larawan ng kalagayan ng paggawa, ayon sa Ibon Foundation. Sadyang panlilito ang ganitong selektibong paglalahad ng datos sa paggawa.
Ang totoo, ipinapakita ng mga estatistika ng estado ang nakababahalang tunguhin kung saan tumaas ang bilang ng mga trabahong mababa ang kalidad, kasabay ang pagbagsak ng bilang ng makabuluhang empleyo. Noong Mayo, tumaas nang 1.3 milyon ang bilang ng mga part-time na manggagawa. Samantala, lumiit nang 736,000 ang bilang ng nalikhang pultaym na pusisyon.
Partikular na nakababahala ang kawalang-trabaho sa hanay ng kabataan. Sa mga walang trabaho, 44% ang mga nagtapos at hindi nagtapos ng kolehiyo. Ibig sabihin, walang napalilitaw na trabaho para sa mga kabataang edukado kundi mabababang klase o di regular na mga trabaho.
Gayundin, 6.6 milyong Pilipino ang itinuturing na underemployed o kulang ang trabaho. Kasalukuyang nasa 13.1% ang tantos ng underemployment, isang malinaw na indikasyon na marami ang naghahanap ng dagdag na trabaho o mas mahabang oras ng trabaho para itawid ang kanilang mga sarili at kanilang mga pamilya.
Binibigyang-diin ng pagsusuri ng IBON ang alanganin na katangian (precarious) ng mga trabahong nalikha. Pinakamarami ang trabahong nalikha sa wholesale at retail trade, agrikultura, at serbisyo ng pagkain at akomodasyon, mga sektor na kilala sa mabababang pasahod at hindi regular na kita. Ang abereyds na arawang sahod sa agrikultura ay ₱355 lamang, habang ang mga manggagawa sa wholesale at retail trade ay kumikita lamang ng abereyds na ₱486. Malayo ito sa minimum na nakabubuhay na arawang sahod na ₱1,200.
Lalong makikita ang kalunus-lunos na kalagayan ng paggawa sa paglobo ng di pormal na sektor, na tinatayang bumubuo sa 21.2 milyong trabaho.
Ang totoo, ang sinasabing “trabaho” ng milyun-milyong Pilipino ay nagpapasahod nang di sapat, o di kaya’y talagang walang bayad, ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon. “Hindi ito empleyo kundi nakatagong kahirapan.”
Sadyang malayo sa reyalidad ang ipinagmamayabang ng rehimen na “masigla” ang kalagayan ng paggawa, ayon sa Ibon.