Naghain ng resolusyon ang grupong Makabayan na kinabibilangan nila Antonio Tinio, kinatawan ng ACT Teachers Party-list at Renee Co, kinatawan ng Kabataan Party-list, na nanawagan sa House committee on transportation ng Kongreso na imbestigahan ang pribatisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa ilalim ng private-public-partnership (PPP) nito sa San Miguel Corporation-SAP &Company (SMC-SAP). Anila, ang pagpasa ng operasyon ng paliparan sa pribadong kumanpanya ay nakapipinsala sa mamamayan.
Matatandaang noong Marso 18, 2024, nakuha ng SMC ang kontrata sa halagang ₱170.6 bilyon para sa rehabilitasyon, operasyon at ekspansyon sa NAIA at pagpasa dito sa estado sa taong 2039. Posibleng mapapalawig pa nang 10 taon ang kontrata ng SMC, depende sa takbo ng operasyon nito.
Mula nang sinailalim ang paliparan sa pangangasiwa ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC), ang subsidyaryo ng kumpanya ng SMC-SAP, ay nagtaas na ang bayad sa parking at arkila para sa mga pwesto at dumoble ang singil sa mga may-ari ng eroplano para sa landing at take-off.
Noong Oktubre 1, 2024, itinaas ng paliparan ang singil nito sa pagparada ng sasakyan at upa sa pwestong komersyal. Mula ₱300 naging ₱1200 ang bayad sa parking area para sa unang 24 oras at mula ₱700 kada square meter (sq.m) ay naging ₱3,200/sq.m ang arkila sa pwesto sa loob ng paliparan. Ayon sa grupo, nagdulot ito ng pagsasara ng mga tindahan at pagkawala ng daan-daang trabaho.
Inaasahang tataas din ang bayad sa terminal para sa domestic at international na byahe at iba’t ibang bayarin sa operasyon ng mga eroplano na tiyak na ipapasa rin sa mga byahero. Sa ngayon, ang bayad para sa terminal fee para sa domestic na byahe ay ₱200 at ₱550 para sa internasyunal na byahe. Sa darating na Setyembre itataas na ang singil ng terminal fee tungong ₱390 para sa lokal na byahe at ₱950 para sa internasyunal na byahe. Batay ito sa ihinain na binagong fees, dues at charges ng NNIC na inaprubahan sa pamamagitan ng MIAA Revised Adminitrative Order 1 Series of 2024.
Tinatayang kikita ng ₱900 bilyon ang proyekto pagkalipas ng 25 taon mula sa matataas na singil sa serbisyo sa mga pasahero at naka-asa sa paliparan.
“Ang pribatisasyon ng mga pampublikong ari-arian at serbisyo ay nagdudulot lamang ng mas mahal na singil sa produkto at serbisyo sa halip na pagbutihin ang buhay ng mamamayan.. ang pagtaas ng singil sa paliparan ay magdudulot ng mas mahal ng operasyon na siyang ipapasa sa mga pasahero sa pamamagitan ng mas mahal na presyo ng tiket at dagdag na nakatagong mga bayarin o hidden charges,” paliwanag ng Makabayan.
Ayon kay Josie Pingkian, pangalawang pangkalahatang kalihin ng Migrante International, bagama’t hindi kailangan magbayad ng mga migrante ng terminal fees at travel tax, kailangan pa din nila dumaan sa proseso ng pagkuha ng refund at pagkuha Overseas Employment Certificate (OEC) na ibinibigay ng Department of Migrant Workers. Maraming migrante ang hindi nakakakuha o nahihirapan sa proseo ng pagkuha ng refund. “Dahil rekisito ng gubyerno na ipakita ang OEC para maka kuha ng refund, maraming migrante ang matatamaan parin sa sobrang pagtaas ng terminal fee.”
“Dagdag na pasanin ang pribatisasyon para sa mga migrante na umuuwi taun-taon. Bago pa sila lumabas ng bansa ay marami nang bayarin ang sinisingil sa kanila ng gubyerno at ng recruitment agency. Mula sa nagmamahal na presyo ng tiket papunta at pabalik sa prubinsya, sa nagmamalan na terminal fees, ito ay mga dagdag na pasanin para sa mga migrante at kanilang pamilya” paliwanag ni Pingkian.
Noong Abril, naghain ang isang grupo ng mga abogado sa Korte Supremo na ipawalang bisa ang kontrata para sa rehabilitasyon ng NAIA. Anila, labag ang proseso at pantay na proteksyon sa ilalim ng konstitusyon ang naturang proyekto. “Ang proyektong PPP sa NAIA ay simpleng pribatisasyon. Mula sa pagsisimula hangang sa implementasyon, ang proyekto ay hindi binuo para sa interes ng nakakarami.”
Ang SMC ang may-ari din ng New Manila International Airport (NMIA) na nakatakdang itayo sa Bulacan. Tinawag ang proyektong paliparan na ito bilang “disaster prone project” ng Global Witness (GW). Nasa 700 pamilya ang pinalayas nang walang sapat na kompensasyon. Nagdulot din ng matinding kapinsalaan sa kalikasan ang proyekto. Ang SMC ay pag-aari ni Ramon Ang, isa sa pinakamayamang burgesyang kumprador sa bansa, na may netong halaga na $3.7 bilyon.