Pinasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar (Rodante Urtal Command) ang pahayag ng 78th IB na nahukay at nakuha nito ang 12 command-detonated explosives (CDEx) na pag-aari ng hukbong bayan. Sa pahayag ni Lt. Col. Francis Rosales, kumander ng 78th IB, ipinagyabang nitong nakuha nila ang mga pampasabog sa Barangay Magsaysay, Mapanas noong Hulyo 6.
Malinaw na inihayag ng BHB-Northern Samar na wala silang mga CDEx na naka-imbak sa Barangay Magsaysay o kalapit na erya. Ayon pa sa yunit, katawa-tawa ang pahayag ng batalyon at deperasyon nito sa pag-recycle sa mga lumang CDEx para lamang palabasing nagtatagumpay sila laban sa BHB.
“Tila hindi pa kuntento ang mga pasistang tropang ito sa kanilang malalaking sahod, alawans at bonus mula sa militar, at naghahangad pang magantimpalaan sa pagre-recycle ng mga lumang kagamitan pandigma,” ayon pa pambrubinsyang kumand ng BHB. Inihalintulad nila ang taktikang ito ng militar sa pag-recyle sa mga “surrenderee” para sa kikbak at korapsyon.
Liban dito, pinasubalian ng BHB-Northern Samar ang sinasabi ng 78th IB na labag sa internasyunal na makataong batas ang paggamit ng hukbong bayan sa mga CDEx. Ang pampasabog na ito ng BHB ay pinahihintulutan sa ilalim ng Ottawa Treaty, taliwas sa sinasabi ng 78th IB.
Sa ilalim ng Ottawa Treaty o The Convention on the Prohibition of the Use, Stockpiling, Production and Transfer of Anti-Personnel Mines and on their Destruction of 1997 ng United Nations, ipinagbabawal ang paggamit ng mga anti-personnel mines (APM) o landmines na walang kakayahang kumilala ng target.
Naiiba ang CDEx sa iba pang mga APM sa saligang batayan na ito ay kontrolado ng elemento ng BHB at sasabog lamang batay sa kumand para sa mga lehitimong target militar ng aksyong militar ng hukbong bayan. Kaiba ito sa iba pang APM tulad ng booby trap na sumasabog kapag simpleng naapakan ng tao o hayop. May tiyak na target ang CDEx, kaiba sa APM tulad ng mga booby trap na maaaring makapinsala ng mga sibilyan.
Idiniin ng BHB-Northern Samar na malayong-malayo ang mga CDEx sa katangian ng 500-libras na mga “smart bombs” ng AFP. “Sa totoo ay inutil [ang mga bomba ng AFP] dahil nagdudulot [ito] ng walang pakundangang pinsala sa mga sakahan pati na rin troma sa mga sibilyang komunidad,” dagdag ng yunit.
“Hindi maloloko ng mga kasinungalingan ng 78th IB ang masang magsasaka ng Northern Samar,” ayon sa yunit.
Anito, araw-araw ay saksi ang masang magsasaka sa prubinsya sa patung-patong na mga paglabag ng militar sa karapatang-tao at nagdurusa sila sa tumitinding krisis sa ekonomya. “Ito ang mga kundisyon kung bakit patuloy na nakatatamasa ng mainit na suporta ang BHB mula sa mamamayan,” pahayag ng yunit.