Bitbit ang mga kaldero at kaserola, kinalampag ng mga myembro ng Gabriela, Gabriela Women’ Party at Amihan ang Department of Agriculture noong Hulyo 7 hinggil sa tumitinding kagutuman ng mamamayan. Binanggit nila ang kamakailang sarbey ng Social Weather Stations (SWS), na nagsasabing isa sa bawat limang pamilyang Pilipino, o 27.2% ang nakakaranas ng ‘involuntary hunger’ o pamalagiang kawalan ng akses sa pagkain dulot ng kahirapan, karahasan o pagbabago sa kapaligiran.
“Ang mga kaldero at kaserola na walang laman ang reyalidad para sa nakararaming pamilyang Pilipino ngayon. Dito lang sa Quezon City, ilang kababaihan na ang nakausap namin mula sa maralitang mga komunidad na nagsabing madalas isa hanggang dalawang beses na lang sila kung kumain para makatipid,” pahayag ni Cora Agovida, pangalawang pangkalahatang pangulo ng Gabriela Philippines.
Aniya, ang kababaihan at mga bata ang pinakabulnerable sa krisis. Karamihan sa mga kababaihan sa maralitang komunidad ang nag-uulat na hindi na sila kumakain upang may sapat na makain ang kanilang mga anak. Kapag kulang ang kinita ng kanilang asawa sa buong araw na trabaho, sila ang dumidiskarte ng pandagdag na budget sa pamagitan ng pangangalakal o paglalabada.
“Dito na yan sa sentrong syudad ng QC, paano pa sa ibang mga probinsya na mas mahirap ang buhay? Pinakamataas na nga ang sahod dito sa NCR, pero napakalayo pa rin sa nakabubuhay na antas,” puna ni Agovida.
Sa gitna ng lumalawak na kahirapan, nagpahayag ng pagkabahala ang Gabriela sa halos hindi na naaabot na presyo ng mga pangunahing pagkain, partikular ng bigas at iba pang esensyal na produktong agrikultural. Ayon sa grupo, ang krisis sa pagkain ay bunsod ng pagsandig ng gubyerno sa importasyon ng mga produktong agrikultural.
“Maski ang pangakong P20/kg bigas iaasa sa import. Malawak ang palayan sa ating bansa, bakit hindi tiyakin ng DA na mapakinabangan ito ng mamamayang Pilipino? Nasaan ang suporta sa lokal na mga magsasaka?” tanong ni Agovida
Binigyang-diin naman ni Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas sa protesta na hindi makakaresolba sa nararanasang kagutuman ng malawak na bilang ng mamamayang Pilipino ang pagbebenta ng P20 kada kilong bigas sa mga Kadiwa Centers sa ilalim ng “Benteng Bigas Meron Na”
Aniya, hindi sustenable ang P20 kada kilong bigas dahil sa ilalim ng RA 11203 o Rice Liberalization Law ipinaubaya sa mga pribadong trader at importer ang pamimili at pagbebenta ng palay habang nilimitahan ang mandato ng NFA sa buffer stocking. “Kaya hindi papayag ang mga negosyanteng ito na hindi sila kikita o na maliit ang kikitain nila,” pahayag ni Estavillo.
“Hindi nito nasasagot ang mga pundamental na problema ng mga magsasaka na kawalan ng lupa, kakulangan ng signipikanteng suporta sa produksyon tulad ng mga farm inputs at post-harvest facilities, kakulangan sa irigasyon at support price sa pamimili ng palay.”
Ayon sa Amihan, dapat tugunan ng gubyerno ang mga ugat ng problema sa nagtataasang gastos sa produksyon ng palay at pagbagsak ng presyo ng farm gate price na magbibigay-daan sa pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado. Ngayong buwan lamang ay bumaba na sa P9–10 kada kilo ang presyo ng palay na malayo sa hinihiling nilang minimum na sa P21 kada kilo. Halos kasingbaba ang presyo nito noong 2019 na umabot ng P7 nang magsimula ang pagsasabatas ng Rice Liberalization Law.
“Itong Benteng Bigas Meron Na program ay magiging pampapogi lang sa kanyang nalalapit na SONA kung hindi aaksyunan ang mga ugat ng problema,” dagdag ni Estavillo.
Giit ng Amihan sa rehimeng US-Marcos na ipawalang-bisa ang RA 11203 o Rice Liberalization Law, ibalik ang mandato ng NFA sa pamimili ng palay at pagbebenta ng murang bigas, palakasin ang lokal na produksyon upang hindi laging nakaasa ang bansa sa importasyon at magpatupad ng tunay na reporma sa lupa na magiging tuntungan sa pagpapaunlad sa kanayunan at pagkakamit ng katiyakan sa pagkain.
“Hindi dapat nating hayaan ang administrasyon na ito na magpatuloy sa pagbubulag-bulagan sa paghihirap ng ating mamamayan. Nananawagan kami na itigil ang pag-import at gumawa ng konkretong hakbang upang palakasin ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagsuporta sa ating mga magsasaka. Panahon na para bigyan ng prayoridad ang seguridad sa pagkain at kagalingan ng mamamayan sa halip na mga patakaran sa importasyon,” panawagan ng grupong Gabriela.