Taumbayan sa Laguna, muling kumilos laban sa pagtatayo ng Ahunan Dam

Mahigit isang libong residente ng Pakil, Laguna, kasama ang mga organisasyon ng taong-simbahan, kabataan, magsasaka, mangingisda, at mga tagapagtanggol ng kalikasan, ang nagmartsa noong Hulyo 5 para ipahayag ang kanilang matinding pagtutol sa itinatayong Ahunan Dam. Mula sa Saint Peter of Alcantara Parish Church, nagmartsa ang mga raliyista patungo sa upisina ng Ahunan Power Inc., kung saan binasa ang pahayag ng pagkakaisa at galit ng mamamayan.

Muling sumiklab ang pagtutol ng mga taga-Pakil matapos ang insidente ng pagputol ng mga puno sa Mt. Ping-as noong Hunyo 21 bilang paghahanda sa lugar para sa dam project. Ang Mt. Ping-as ay itinuturing ng mga deboto na sagrado at mahalagang bahagi ng taunang “Ahunan” o pag-akyat bilang panata sa Birhen ng Turumba. Higit sa pang-kulturang halaga, ang bundok at mga bukal ng Pakil ay pinagkukunan din ng malinis na tubig, irigasyon, at kabuhayan ng mga taga-bayan. Ang pagputol ng mga puno dito ay tiyak na magdudulot ng pagguho ng lupa at pagbaha, ayon sa mga residente. Kinikilala mismo ng mga ahenya ng gubyerno ang lugar ay high-risk area para sa ganitong uri ng proyekto.

Isa sa mga pangunahing isyung binigyang-diin ng mga nagpoprotesta ang sapilitang pagpapalayas sa mga residente ng Sityo Pinagkampohan para bigyang-daan ang konstruksyon ng dam. Marami sa kanila ang nawalan ng tirahan at kabuhayan, at wala ibinigay ang kumpanya na malinaw na relokasyon o kumpensasyon. Kasabay nito, inirereklamo rin ng mga magsasaka ang pagharang sa kanila sa kanilang mga palayan at pagpasok sa kalapit na kagubatan, habang ang mga mangingisda ay hindi na pinapayagang mangisda sa ilang bahagi ng Laguna Lake na sakop ng proyekto. Ang mga ito ay nagdulot ng matinding kawalan ng hanapbuhay at pagkain para sa mga pamilyang umaasa sa agrikultura at pangingisda.

Mariin ding kinundena ng mga grupo ang paglabag sa karapatang-tao at pananakot na nararanasan ng mga lider-komunidad na tumututol sa proyekto. Ilan sa kanila, gaya ni Daisy Macapanpan, ay sinampahan ng gawa-gawang kaso, at may mga ulat ng panggipit at pagpapalaganap ng disimpormasyon para lokohin ang mga residente at itulak silang ibenta ang kanilang mga lupa sa mababang halaga. Ayon sa mga lider ng Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (MaNaPak), malinaw na ang proyektong dam ay para lamang sa interes ng malalaking negosyo at hindi para sa kapakanan ng mamamayan ng Pakil at Laguna.

Malaki rin ang pangamba ng mga taga-Pakil na tuluyang mabubura ang kanilang mayamang tradisyon at kultura, partikular ang Turumba at Ahunan sa Ping-as, na taunang dinarayo ng mga deboto mula sa iba’t ibang lugar. Ang mga bukal na itinuturing na milagroso at pinagkukunan ng tubig ay nanganganib na matabunan at mawala. Bukod dito, binigyang-diin ng mga grupong maka-kalikasan na ang ganitong proyekto ay nagpapalala sa krisis sa klima, dahil sa pagkasira ng kagubatan at watershed na nagsisilbing panangga sa pagbaha at tagtuyot.

Nanawagan ang mga nagpoprotesta sa lokal at pambansang pamahalaan, partikular sa Department of Environment and Natural Resources, na muling suriin at ipawalambisa ang kontrata sa Ahunan Power Inc. Hinikayat din nila ang lahat ng Pilipino na makiisa at suportahan ang laban para sa kalikasan, kabuhayan, at kultura ng Pakil.

Source link