Sa unang anibersaryo ng ekstrahudisyal na pagpaslang ng pasistang AFP sa magsasakang si Ryan Arnesto, patuloy na isinisigaw ng masang magbubukid ang hustisya kasabay ang panatang magkaisa at labanan ang pasistang terorismo ng estado.
Isang taon na ang nakalipas ngunit wala pa ring napapanagot sa paghuli, pagpapahirap at walang-awang pagpaslang ng 74th “Unbeatable sa Paglabag sa Karapatang-Tao” Infantry Battalion kay Arnesto sa Sityo Canonghan, Barangay Osmeña, Palapag. Pinagbubugbog siya ng mga pasistang tropa at pinaghihiwa ang kanyang mukha, braso at binti. Iginapos siya sa puno ng niyog saka pinagbabaril. Hindi pa nakuntento, kinaladkad ang kanyang bangkay hanggang sa kabilang barangay.
Bago paslangin matagal nang sapilitang pinasusuko ng 74th IB at NTF-Elcac ang pamilya ni Arnesto. Nauna na ring ginawang hostage ang kanyang mga kamag-anak upang pasukuin sila gayong wala namang kaso laban sa kanila. Pinaslang ng 74th IB si Arnesto sa pinakakarumal-dumal na paraan upang magsilbing babala sa ibang target ng pagpapasuko, na katulad din ang mangyayari sa kanila kung hindi sumunod sa kagustuhan ng mga pasista. Ang ipinagmamalaki ng militar at NTF-Elcac na bilang ng mga “napasuko” ay resulta ng tuluy-tuloy na pananakot, panlalansi, at pamamaslang sa mga magsasakang gaya ni Arnesto.
Hindi humupa bagkus ibayo pang tumindi ang di deklaradong batas militar sa kanayunan ng Palapag at buong Northern Samar. Humina na raw ang rebolusyonaryong kilusan ngunit patuloy ang pagkakampo at paghahamlet sa mga komunidad. Tinatakot at pinapaslang pa rin ang mga magsasaka. Hindi sila malayang makapagtrabaho sa bukid at lalo silang nalulubog sa kahirapan. Malinaw pa sa sikat ng araw: huwad ang kapayapaan ng militar at NTF-Elcac. Kaisa kami sa lumalakas na panawagang buwagin ang NTF-Elcac, na walang ibang sadya kundi supilin ang mamamayan.
Hindi malilimutan ng masang magsasaka si Arnesto. Hanggang sa kanyang kamatayan hindi siya yumuko sa pasistang 74th IB. Sinuway niya ang kanilang kagustuhang pagtaksilan ang kapwa niya magsasaka, mabuwag ang kanilang pagkakaisa, patuloy na yurakan ang kanilang mga karapatan at manatili ang kanilang paghihikahos. Nanindigan siya para sa karapatan nilang mabuhay nang payapa at masagana, kung saan tinatamasa nila ang bunga ng kanilang pagsisikap. Huwaran at nararapat na parangalan ang mga kagaya niya.
Ngayong araw, ating pagpugayan si Arnesto at ang lahat ng magigiting na magsasakang patuloy na binibigo ang pasistang terorismo ng estado. Ang tumitinding kahirapan at karahasang kinakaharap ng mga magbubukid ay lalong nagtutulak sa ating mamulat sa ating kalagayan, magkaisa at lumaban. Hindi sapat na manahimik lang at tiisin ang pandudusta sa atin; hindi kusang mawawala ang militar na namemeste sa ating mga bukirin. Bagtasin natin ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan, ang kasagutan sa ating sigaw para sa hustisya at siyang magwawakas sa daan-taon nating pagkaalipin!
Hustisya para kay Ryan Arnesto! Hustisya para sa lahat ng biktima ng pasistang AFP!
Mga magbubukid, magkaisa, huwag matakot! Lumahok sa digmang bayan, labanan ang pasistang terorismo ng estado!