Planong pabrika ng bala ng US, tuluy-tuloy na war games, tinutulan

Nagpahayag ng pagtutol at pangamba ang iba’t ibang grupo laban sa panukala sa Kongreso ng US na magtayo ng pabrika ng bala sa Subic Bay, Zambales. Anila, banta ang planong ito sa pambansang seguridad at makaaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Zambales.

Lumitaw ang planong pagtatayo ng pabrika sa isang ulat ng US House Committee on Appropriations na isinapubliko noong Hunyo 24.

“Sa kasaysayan, hindi ang lupain ng US ang nagiging direktang target ng mga katunggali nitong bansa, kundi ang mga base militar at mga satelayt na base nito sa ibang lugar,” anang Pamalakaya.

Binatikos naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang inilunsad ng US na Operation Lightning Strike war games noong Hunyo 30 sa Palayan City, Nueva Ecija sa ilalim ng Salaknib Phase 2. Pinasabog sa war games na ito ang dalawang High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) at gumamit ng apat na Apache attack helicopter.

Anang grupo, mapanganib ang mga war games na ito sa mga komunidad ng magsasaka, lalo na ang live-fire missile test. Naniniwala ang KMP na hindi ito para sa depensa o kapayapaan kundi bahagi ng paghahanda ng US para sa gera.

Samantala, nagmartsa sa Sydney sa Australia ang mga Pilipino at Australian noong Hunyo 22 bilang pagbatikos sa inilunsad na Pilipinas-Australia Kasangga war games. Dalawang beses kada taon na inilunsad simula 2023 ang Kasangga kung saan malayang nakapapasok ang mga tropang Australian sa teritoryo ng Pilipinas.

Source link