Isapuso ang teorya, matuto sa sariling praktika

Sa gitna ng walang patlang na mga operasyong militar mula 2024, matagumpay na inilunsad sa isang larangang gerilya sa Southern Tagalog ang isang kumperensya sa gawaing masa at gawaing militar. Pangunahing layunin ng pagtitipon ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang maglagom at magbahaginan ng mga karanasan upang mas mahusay na maharap ang tumitinding kampanyang pandudurog ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa subrehiyon. Kalahok dito ang magkahalong matatanda, panggitna at nakababatang kadre. Lampas kalahati ng kalahok ay kabataan.

Mag-aral, magwasto, sumulong

Binuksan ang kumperensya ng pag-aaral sa dalawang kasong aralin sa gawaing masa. Halaw ang mga ito sa karanasan ng dalawang yunit ng Hukbo sa humigit kumulang isang taon. Mayor na puntong pinagtalakayan ang manera ng mga yunit sa gawaing masa: ang pagbalanse sa gawaing pagpapalawak at pagpapalalim, at ang tagal ng paghimpil ng mga yunit at lapit ng mga ito sa mga lugar kung saan may konsentrasyon ng masa. Matalas na tinukoy ang konserbatismo sa gawaing masa at pamamaborito sa mga base na iwinawasto ngayon.

Tinukoy ang susing papel ng gawaing edukasyon, propaganda, kultura at gawaing medikal sa epektibo at tumatagos na gawaing masa. Isang mahusay na halimbawa nito ang pagbuo ng isang iskwad ng praymer sa isang bayan na nagtatalakay sa kasalukuyang sitwasyon at suliranin ng masa pati na ang mayamang rebolusyonaryong kasaysayan ng bayan mula sa panlipunang pagsisiyasat. Epektibong nagamit ang praymer para buklurin ang masa at itayo ang mga grupo at balangay ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa nasabing bayan.

Ipinunto rin ang kahalagahan ng paglahok ng Hukbo sa produksyon ng masa at pagbibigay sa kanila ng serbisyong medikal sa gawaing masa. Sa mga positibo at negatibong karanasan na inilahad, tumampok ang mapagpasyang papel ng wastong pamumuno ng Partido at ang matibay na pagkakaisa upang maiabante ng Hukbo ang gawaing masa sa kabila ng mga balakid, kahirapan at nagbabago-bagong sitwasyon. Matapos ang paglalahad ng mga kasong aralin, nirebyu ang “Mga Batayang Prinsipyo sa Gawaing Masa sa Kanayunan.”

Sunod na inilahad at pinagtalakayan ang mga kasong aralin kapwa ng matagumpay at bigong taktikal na opensiba pati ang ilang mga depensibang labanan. Pinatampok sa mga kasong aralin ang kahalagahan ng gawaing paniktik at pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa para sa gawaing ito.

Gaya sa gawaing masa, matingkad sa mga kasong aralin ang pangangailangan sa absolutong pamumuno ng Partido sa Hukbo upang pahigpitin ang pagkakaisa anumang sitwasyon ang kaharapin. Kung wala ang gayong pamumuno ng Partido, hindi magagawa ang mahusay na pagtatanggol laban sa kaaway at pagdurog dito na siyang pangunahing tungkulin ng Hukbo. Matapos ay pinag-aralan ang “Mga Usapin sa Estratehiya sa Rebolusyonaryong Digma ng China” ni Mao Zedong.

Sa ubod ng paglalagom ng mga karanasan sa gawaing masa at militar at pagbabalik-aral sa teorya hinggil dito ay ang pagsapol at pagpapalalim ng mga kadre sa kanilang pag-unawa sa mga batayang prinsipyo ng pakikidigmang gerilya sa yugto ng estratehikong depensiba at sa kalagayang nagpapanibagong-lakas ang BHB mula sa pag-atras na ibinunga ng mga panloob na kahinaan at sa pagharap sa atake ng kaaway.

Naglunsad ng kapehan sa ilang sesyon sa gabi kung saan ibinahagi ang karanasan sa pagpapasampa ng kabataang magsasaka, katutubo at kabataang-intelektwal. Nagbigay ito ng mga gintong aral at inspirasyon kung paanong pasiglahin ang pagpapasampa sa BHB at kung paano patatagin at pahusayin ang mga Pulang mandirigma sa gitna ng pukpukang pakikipaglaban sa kaaway.

Upang ugatin sa ideolohiya ang mga kahinaan at suliranin, pinag-aralan din ang “Espesyal na Kurso sa Empirisismo” at “Hinggil sa Praktika” ni Mao. Nilayon nitong epektibong tudlain ang empirisistang tendensya ng pag-iisip at paggawa na ipinakita sa mga kasong aralin. Partikular na mukha nito ang pagpapakasapat sa hiwa-hiwalay na datos hinggil sa kalagayan at kabuhayan ng masa, mababaw na pag-alam sa rebolusyonaryong kasaysayan ng mga erya at hilaw na paniktik. Malinaw sa karanasan ng larangan na ang hindi pagkumpleto at kakulangan sa pagbubuo sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri ay nagbubunga sa mga hindi angkop na patakaran at programa sa pulitika at mga planong militar.

Sa pagtatapos ng kumperensya, hiningan ang mga kalahok ng kanilang mga repleksyon. Ayon kay Ka Lima, “Kailangan itakwil ang suhetibismo’t indibidwalismo sa bawat himaymay ng pagkatao natin, ang arogansya, ang pagiging kampante sa lahat ng aspeto. Napakadali sa salita, pero hamon talaga sa aktwal. Baguhin natin ang paraan ng pag-iisip para maging matalino ang ating pagsusuri sa mga bagay at maging tumpak ang mga hakbangin natin sa paglutas sa mga suliranin.”

“Lumaban upang magpalakas! Magpalakas habang lumalaban!” Ito ang panawagan ng kilusang pagwawasto sa mga rebolusyonaryo sa Southern Tagalog.

Sa kabila ng kakaharaping sitwasyong militar, mataas ang diwa ng mga Pulang kumander, giyang pampulitika at mandirigma nang maghiwa-hiwalay ang mga yunit para sa mga panibagong gawaing itinakda ng kumperensya. Malinaw ang hamon para sa Partido at Hukbo sa kasalukuyang kritikal na yugto ng rebolusyonaryong kilusan: Balikatin ang paparami at papalaking mga gawain at sakripisyo nang may di nagmamaliw na diwa ng paglilingkod sa sambayanan at tiwala sa kawastuhan at pagtatagumpay ng rebolusyon.

Source link