Sa katapusan ng buwan, tatayo si Ferdinand Marcos Jr sa harap ng Kongreso upang muling bilugin ang ulo ng taumbayan tungkol sa mga “nagawa” niya sa nagdaang tatlong taon. Napakahaba ng inilulubid niyang kasinungalingan pero hindi niya mapagtatakpan ang walang katapusang pasakit na dinaranas ng sambayanan sa ilalim ng kanyang paghahari. Walang tigil ang pagbulusok ng antas ng pamumuhay ng mayorya ng sambayanan. Walang kapantay ang korapsyon ng pamilyang Marcos. Bulag ang pagsunod niya sa dikta ng among imperyalistang US. Papasidhi ang pampulitikang panunupil laban sa mamamayang tumitindig at lumalaban.
Hatid ni Marcos ay lalong pagdurusa sa karaniwang mamamayan. Pasanin pa rin ng taumbayan ang mataas na presyo ng bigas, na hindi mapagtakpan ng pakitang-taong palabas ni Marcos. Kasabwat si Marcos ng mga kumpanya sa langis sa pagsirit ng presyo ng diesel at gasolina. Sa kabila ng malawak na panawagan, sinagkaan ng Malacañang ang panukalang ₱200 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa, at sa halip, dagdag pang buwis ang ipinataw sa balikat ng taumbayan. Kaliwa’t kanan ang tanggalan sa trabaho, malawakan ang disempleyo, laksa-laksang libo ang nagpupwersang maghanapbuhay sa ibang bansa, habang daan-daan libong mahihirap ang pinalalayas sa kanilang paninirahan, at walang habas na inaagawan ng lupa, pangisdaan at mga pinagkukunan ng kabuhayan.
Ipinatutupad niya ang mga patakaran at programa na lalong nagpapabundat sa mga dayuhang malalaking kapitalista, at mga kasabwat na malalaking burgesyang komprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Kaliwa’t kanan ang pangungutang ni Marcos na hindi naman napakikinabangan ng bayan, kundi napupunta lamang sa pampasiklab na mga proyektong pang-imprastrukturang pinagkukunan ng kikbak ni Marcos at mga korap niyang upisyal. Daan-daan bilyong pisong nakaw na yaman ng mga Marcos ang naibalik sa kanilang kontrol, habang daan-daang bilyong piso ang kinakamkam sa anyo ng Maharlika Investment Fund, confidential at intelligence funds ni Marcos, at winawaldas sa sobra-sobrang gastos sa militar, sa kapinsalaan ng kinakailangang mga serbisyong panlipunan.
Katulad sa nakaraang mga rehimen, pinapaburan ni Marcos ang malalaking kapitalistang dayuhan at lokal para makapagkamal sila ng maksimum na tubo. Pinapako ni Marcos ang sahod ng mga manggagawa habang kinakaltasan ng buwis ang mga kapitalista. Binigyang-daan niya ang dayuhang pagmamay-ari sa lupa sa Pilipinas (sa tabing ng batas na nagpapahintulot sa 99 na taon pag-“upa”), at inaalis ang mga regulasyong pangkalikasan upang walang sagkang dambungin at wasakin ang likas na yaman ng bansa.
Binibigyan sila ni Marcos ng armadong proteksyon ng militar at pulis, na ginagamit sa pagsupil sa mamamayang nagtatanggol sa kanilang lupa at kabuhayan. Sa kalunsuran, pinupuntirya ng mga pasistang galamay ng reaksyunaryong estado ang mga manggagawang nag-uunyon at tumitindig para ipaglaban ang kanilang mga kahingiang dagdag na sahod. Ginagamit ni Marcos ang NTF-Elcac at ang “Anti-Terrorism Law” sa pagsupil sa mga karapatan ng mga manggagawa, mala-manggagawa, kabataang-estudyante, mangingisda, kababaihan at iba pang demokratikong sektor upang pigilan silang mag-organisa at lumahok sa kilusan para sa panlipunang pagbabago.
Sa kanayunan, lantaran ang terorismo ng estado sa pagpapataw ng batas militar sa mga barangay at komunidad, na sinasabi ng NTF-Elcac na sumusuporta sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Kaliwa’t kanan ang ekstrahudisyal na pamamaslang, paninindak, paghahalughog sa mga bahayan, iligal na pag-aresto, “pagpapasurender,” walang patumanggang pagpapaputok ng baril, panganganyon at paghuhulog ng bomba sa mga bukid at bundok malapit sa mga komunidad. Bata man o matatanda, walang pinipiling biktima ang brutalidad ng mga pasistang tauhan ni Marcos. Pinakamalupit ang panunupil ng rehimeng Marcos sa mga liblib na baryo at sityo ng mga magsasaka at katutubong mamamayan, na inaagawan ng lupa ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, mga plantasyon, proyektong pang-enerhiya at eko-turismo.
Ginagamit ni Marcos ang karatula ng “kapayapaan” para tabingan ang gera ng pagsupil nito sa makabayan at demokratikong kilusan ng mamamayang Pilipino. Ito ang hangad ng mga imperyalista at naghaharing uri na “kapayapaan” na nakabusal ang mga api at pinagsasamantalahan. Hindi ito ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaang hangad ng sambayanan, na matatamo lamang sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang saligang mga kahingian para sa libreng pamamahagi ng lupa, pambansang industriyalisasyon, tunay na kalayaan at demokrasya.
Sa tulak ng among imperyalista, ipinag-utos ni Marcos na paigtingin ang gera para diumano gupuin ang Bagong Hukbong Bayan. Todo todo ang pakikipagkuntsabahan ni Marcos at ng AFP sa pwersang militar ng US sa pagpupwesto nito ng mga tropa, sasakyan at sandatang militar sa Pilipinas, at sa paglulunsad ng sunud-sunod na mga pagsasanay sa gera na umaasinta sa China. Sa halip na bigyang-daan ang mapayapang dayalogo sa China, pinaiinit nang pinaiinit ng rehimeng Marcos ang armadong tensyon sa South China Sea.
Walang maaasahan ang sambayanang Pilipino sa pahirap, pasista, at papet na rehimeng Marcos. Habang nakaluklok si Marcos sa Malacañang, gagamitin niya ang kanyang poder para lalong dambungin ang kabang yaman ng bayan, palawigin ang kanyang kapangyarihan, at makipagbalyahan sa kanyang mga karibal sa pulitika. Walang ibang masusulingan ang sambayanan kundi ang tumindig at labanan ang rehimeng US-Marcos.
Dapat palawakin at patatagin ng sambayanan ang kanilang organisadong lakas. Sa kalunsuran, dapat ubos-kayang buklurin ang mga manggagawa, mala-manggagawa at mga kabataan-estudyante, bilang salalayan ng lakas ng iba pang mga demokratikong sektor. Dapat pasiglahin ang mga demokratiko at anti-imperyalistang pakikibakang masa sa mga pabrika, komunidad at mga paaralan.
Sa kanayunan, dapat palakasin at palawakin ang hukbong bayan at ang mga sangay at komiteng seksyon ng Partido upang ubos-kayang buuin o itayong muli ang mga samahang magsasaka upang magtanggol laban sa pasismo, at para isulong ang mga pakikibakang laban sa mga pyudal at malapyudal na pagsasamantala, at palakasin ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa. Dapat pasiglahin ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at espesyal na operasyon upang parusahan ang pinakapusakal na pasista at tupdin ang hinihinging katarungan ng mamamayan.
Walang ibang marapat na tugon ang sambayanang Pilipino kundi ang pagpapasigla ng kilusang masa at armadong pakikibaka para labanan ang pang-aapi at panunupil ng rehimeng US-Marcos. Sa walang sawang pagpupunyagi sa landas ng paglaban, tiyak na mapananagot si Marcos at haharapin ang paghuhusga ng buong sambayanan.