Mariing kinundena ng alyansa ng mg Pilipino, pambansang demokratikong organisasyon ng mga Pilipino sa US ang pagsasabatas ng ‘One Big Beautiful Bill’ (OBB) ni Donald Trump, presidente ng US nitong Hulyo 4.
Sa kabila ng malawak na pagtutol ng mamamayan sa panukalang batas ay nailusot ito sa Kongreso at Senado ng US. Bibigyan ng bagong batas ng malaking alwan sa buwis ang pinakamayaman sa bansa, mas pinalaking pondo sa militar at sa US Immigration and Customs Enforcement (ICE) habang babawasan ang pondo sa mga krusyal na pampublikong serbisyo.
Isa sa pinakamaaapektuhan ng batas ang serbisyo sa kalusugan. Babawasan ng halos $1 trilyon ang pondo ng Medicaide, ang seguro para sa kalusugan. Naakaasa rito ang 70 milyong mahihirap, matatanda at may kapansanan sa US. Tinatayang nasa 11 milyon ang mapagkakaitan ng serbisyo dahil sa pagkaltas sa pondo. Nasa 26.8% o sangkapat ng mga pamilyang Pilipino na nakabase sa US ang umaasa sa serbisyo.
Magpapataw rin ng 3.5% buwis sa remitans para sa mga hindi Americano o imigrante, na ayon sa grupo ay tila pinaparusahan ng rehimeng Trump ang mga nagsusuporta ng mga mahal sa buhay sa Pilpinas. Tiyak na mas iigting din ang pagtugis, pagkulong at pagpadeport sa mga imigrante dahil sa pinalaking pondo ng ICE.
“Ang batas na ito ay lalo lamang magpapayaman sa mayayaman habang tinatanggalan ang mga pamilya ng mangagawa ng batayang serbisyo at dignidad. Ginagawa nitong militarisado ang bansa habang ginagawang sangkalan ang mga imigrante at sinasakripisyo ang kapakanan ng milyun-milyon, para sa ganid ng mga korporasyon at pagpapakalat ng sinopobya,” paliwanag ng mga grupo.
Ayon sa Migrante USA, isang lamang halimbawa ang batas na OBB sa kawalan ng sinseridad ng US sa mga ordinaryong Pilipinong imigrante at pagmamaliit sa mga migrante, manggagawa at mayorya ng mga mamamayan sa US. “Malinaw na ang pinoprotektahan lamang gubyerno ng US ay ang 1% nang walang mintis.”
Anito, walang pinagkaiba ang OBB sa mga batas sa Pilipinas tulad ng Tax Reform for Accelerationa nd Inclusion Law (TRAIN) Law at Corporate Recovery and Tax Incentives For Enterprise Act (CREATE) Law na nagbibigay ng kaluwagan sa pagbabayad ng buwis sa mga mayayaman at korporasyon habang sinisira ang pampublikong serbisyo at ipinapasa ang bigat sa mga maralita at uring mangagawa.
“Kailangan nating lumaban para sa ating kinabukasan kung saan ang ating karapatan at kagalingan ay nirerespeto. Higit sa lahat, kailangan nating lumaban para sa ating pinanggalingan [Pilipinas] ay magkaroon ng sapat na trabaho at nakabubuhay na sahod para sa lahat upang maiwaksi ang sapilitang migrasyon ng ating mamamayan,” paliwanag ng Migrante USA.
“Nananawagan kami sa lahat na makilahok, kumilos at tumindig kasama ang mga organisasyon ng mga Pilipino para mag-organisa at ipagtanggol ang ating komunidad at lumikha ng kinabukasan na karapatdapat para sa atin” panawagan ng mga organisasyon.
Kabilang sa mga organisasyon na bahagi ng pahayag ng pagkundena sa OBB ay ang National Alliance for Filipino Concerns (NAFCON) USA, SOMCAN SF, Kabataan Alliance, Los Angeles Kalusugan Collective (LAKAS), Filipino Community Health Board (Seattle), Filipino Migrant Center (Long Beach), Filipino Community Center (San Francisco) Filipino Bayanihan Center (OR), Kapwa Health Collective (NorCal), Hawai’i Workers Center, National Ecumenical Forum for Fil Concerns-IE, Hawai’i Filipinos for Truth, Justice and Democracy, Gabriela USA, Anakbayan USA, Malaya Movement, Migrante USA, Bayan USA at Tanggol Migrante Network US.