Planong pabrika ng bala ng US sa Subic Bay, tinutulan ng grupo ng mangingisda

Nagpahayag ng pagtutol at pangamba ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) laban sa panukala sa Kongreso ng US na magtayo ng pabrika ng bala sa dating base militar ng US sa Subic Bay, Zambales. Ayon sa grupo, banta ang planong ito sa pambansang seguridad at makaaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Zambales.

Lumitaw ang planong pabrika sa isang ulat ng US House Committee on Appropriations na isinapubliko noong Hunyo 24. Inatasan ng komite ang lahat ng mga ahensya sa depensa at patakarang panlabas na magsagawa ng pag-aaral sa posibilidad ng pagbubukas ng isang pinagsanib na pabrika ng bala at imbakan sa Subic Bay.

Ang Subic Bay, isang 670 kilometro kwadradong erya, ay ang dating pinakamalaking baseng nabal ng US sa labas ng sarili nitong bansa. Napalayas ang base militar noong 1991 ngunit nanataili itong susing erya para sa lohistika at mga war games ng US at Pilipinas laluna tuwing Balikatan war games.

Naibalita noong maagang bahagi ng 2025 na tahimik na pinirmahan ng US Navy ang kontrata sa pag-upa ng isang malaking bodega sa Subic para mag-preposition ng kagamitang pandigma ng US Marine Corps.

Tulad ng isang matapat na tuta at burukrata-kapitalista sa sektor ng depensa, ikinalugod ni Department of Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr ang panukalang pabrika ng bala. Gayunman, inilinaw ni Teodoro na hindi pa nakakatanggap ang rehimeng Marcos ng pormal na pabatid mula sa gubyerno ng US kaugnay ng panukala.

Lumilitaw na kaugnay ang panukala sa kongreso ng US ng naisabatas na Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Act sa Pilipinas. Pinirmahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr noong Oktubre 2024.

“Ang isang pabrika ng bala ng US ay itinuturing na isang mahalagang pasilidad militar, na ipinagbabawal na itayo o ilagay sa loob ng isang lubhang populadong lugar, ayon sa internasyunal na makataong batas,” pahayag ni Ronnel Arambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya at naging kandidato sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Ipinahayag ni Arambulo ang pangamba ng mga Pilipino na maging target ng pang-aatakeng militar ang Subic Bay, katulad ng iba pang mga base militar at pasilidad ng US sa bansa, kung matutuloy ang pabrika. “Sa kasaysayan, hindi ang lupain ng US ang nagiging direktang target ng mga katunggali nitong bansa, kundi ang mga base militar at mga satelayt na base nito sa ibang lugar,” ayon sa lider-mangingisda.

Higit na tumitindi ang pangambang ito sa harap ng mga gerang inupatan, sinindihan at tahasang nilalahukan ng US ngayon sa iba’t-ibang panig ng mundo. Magdudulot rin ang pabrika ng pagpapataas ng tensyon laban sa katunggali ng US na imperyalistang China, laluna sa West Philippine Sea.

“Sa gitna ng umiigting na tensyon sa iba’t-ibang rehiyon sa daigdig, ang nararapat na gawin ng Pilipinas ay dumistansya sa sinumang makapangyarihang bansa at itakwil ang mga makaisang panig na kasunduang militar dito,” paliwanag ni Arambulo.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang Pamalakaya na ibasura ang lahat ng hindi patas na kasunduang militar ng Pilipinas at US kabilang ang Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pa.

Liban sa epekto nito sa pambansang seguridad, nangangamba rin ang Pamalakaya na magtatambak ng mga nakalalasong kemikal sa pabrika. Anang grupo, tiyak na perwisyo ang dulot nito sa pangisdaan dahil sa maruruming kemikal.

Source link