Anti-Terror Act, pinababasura sa ika-5 taon nito

Nagtipon ngayong araw, Hulyo 3, ang mga grupo sa karapatang-tao at mga demokratikong sektor para batikusin ang Anti-Terrorism Act (ATA), limang taon mula nang ito’y nagkabisa. Ang ATA ay isang mapanupil na batas na pinagtibay sa kasagsagan ng pandemyang Covid-19 noong 2020. Kinundena nila ang paggamit ng batas para supilin ang mga kritiko, aktibista at libu-libong magsasaka at katutubo sa kanayunan. Muli silang nanawagan para sa kagyat na pagbabasura ng batas, at hustisya para sa mga biktima nito at ng terorismo ng estado.

Mula nang isabatas ang ATA, hindi bababa sa 227 indibidwal ang kinasuhan ng paglabag ng mga probisyon nito at sa kaugnay na Terrorism Financing Prevention and Suppression Act sa malalabo at gawa-gawang mga batayan. Tatlumpu’t apat ang arbitraryong idineklarang “terorista” ng Anti-Terorism Council, kabilang ang mga konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, lider-katutubo at aktibista. Tatlumpo sa kanila ang nakakulong, kabilang si Frenchie Mae Cumpio, isang mamamahayag ng alternatibong midya; sina Marielle Domequil at Emilio Gabales, mga manggagawang pangkaunlaran; si Aldeem Yañez, isang manggagawa ng simbahan; at si Miguela Peniero, isang aktibistang pangkalikasan. Tatlo sa kanila—sina Elgene Mungcal, Norman Ortiz, at Lee Sudario—ay sapilitang winala. Ang mga kasong ito, na umaapekto sa malawak na bahagi ng lipunan, ay nagpapakita ng isang malagin na padro ng pagpapalaganap ng takot at pagsupil sa pagtutol.

Idiniin ng tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na si Ka Daning Ramos ang katangiang pasista ng batas. Aniya, sa ilalim ng rehimeng Marcos, lalo nitong pinatindi ang militarisasyon, Red-tagging, iligal na pang-aaresto at ektrahudisyal na mga pamamaslang sa kanayunan. Ginagamit rin ang batas na ito ng NTF-Elcac para ipataw ang mala-batas militar sa mga komunidad ng mga magsasaka at pambansang minorya, palayasin sila sa kanilang mga sakahan at lupang ninuno at sirain ang kanilang kabuhayan.

Mismong mga lider ng KMP ang naging biktima ng panggigipit sa pulitika. Dumanas ng matinding Red-tagging at sarbeylans si Ka Daning. Sinalakay ng mga sundalo ang bahay ng secretary general nito na si Ronnie Manalo sa intensyong dukutin siya. Kamakailan, kinasuhan ng paglabag sa TFPSA ang dalawang lider-magsasaka sa Cagayan Valley na sina Cita Managuelod at Isabelo Adviento, kasama ang tatlo pa sa tinaguriang Cagayan Valley 5. Si Adviento ay kalalaya lamang matapos ibasura ng korte ang gawa-gawang kasong illegal possesion of firearms and explosives na isinampa laban sa kanya.

Samantala, tinawag ng Karapatan ang ATA at TFPSA bilang mga sandatang panghambalos ng estado para “ipataw ang terorismo nang walang pananagutan,” gawing kriminal ang pagtutol at aktibismo, at labagin ang pundamental na mga kalayaan sa pagpapahayag, pag-oorganisa at due process.

Kinundena rin ng grupo ang pag-“freeze” o pagkontrol sa mga ari-arian ng maraming organisasyong makatao na nagsisilbi sa mahihirap na komunidad. Kabilang dito ang Paghida-et Development Group (PDG) na nakabase sa Negros, Community Empowerment and Resource Network (Cernet) sa Cebu, Leyte Center for Development (LCDe), at Rural Missionaries of the Philippines, bukod sa iba. Nahinto o huminto ang kanilang mga operasyon dahil sa pag-freeze sa kanilang mga bank account.

Kasabay ng protesta, naghain ng panukala sina ACT Rep. Antonio Tinio at Kabataan Rep. Renee Co para ipabasura ang ATA sa Kongreso.

Source link