Mga manggagawa ng GMA, nananawagan sa Korte Suprema na resolbahin na ang kanilang kaso

Nanawagan ang grupong Talents Association of GMA Network (TAG) sa Supreme Court na bilisan na ang paglabas ng desisyon sa kanilang kaso na ipinasa noon pang Enero 2020. Ayon sa grupo, magandang paraan para ipakita ang pagtindig ng korte para sa malayang pamamahayag sa pamamagitan ng mabilis na paglabas nito ng desisyon hinggil sa matatagal nang usapin katulad ng kaso ng TAG.

Noong Hunyo 30 ang ikasampung taon ng laban ng mga mangagawa ng GMA para sa karapatan sa trabaho. Taong 2015 nang 200 mangagawa ng GMA 7 mula sa mga istasyon sa rehiyon ang tinanggal sa trabaho bilang paraan diumano ng pag-aayos ng operasyon ng kumpanya. Dagdag dito, 51 empleyado, kabilang ang 10 senior talents ng GMA News and Public Affairs, ang iligal na tinanggal sa trabaho dahil sa pagprotesta nila sa tapat ng upisina ng GMA laban sa kontraktwalisasyon at unfair labor practices ng kumpanya.

Noong 2014, mahigit 100 myembro ng TAG ang nagsampa ng reklamo laban sa GMA sa National Labor Relations Commission (NLRC). Anito, dapat tratuhin sila bilang regular na empleyado dahil sa kanilang pagtatrabaho nang buong panahon sa kumpanya. Noong Hunyo 22, ngayong taon, idineklara ng NLRC na walang kaduda-dudang empleyado sila ng GMA.

Nagtagumpay din ang mga mangagawa sa kanilang kaso sa Court of Appeals at inatasan ang GMA Network noong Pebrero 25,2020 na ibalik sa trabaho ang 51 empleyado na tinanggal nito at ibalik ang kanilang mga benepisyo at hindi nakuhang sahod.

Ang “talent” ay katawagan sa mga mangaggawa sa midya na ang istatus ng trabaho ay nakadepende sa kontrata na kanilang pinirmahan (tulad halimbawa ng mga artista). Ang mga ito ay eksklusibong nagtatrabaho taun-taon sa GMA, subalit hindi sila ginagawang regular sa trabaho at pinagkakaitan ng mga benepisyo.

Ayon sa TAG, “nanalo kami sa lahat ng korte habang pinipilit ng GMA Network na pagkaitan kami ng aming mga karapatan. Lagi’t lagi parin kaming nananalo.” Dahil sa pagkapanalo ng TAG sa NLRC at Court of Appeals, inangat ng GMA network ang kaso sa Supreme Court noong 2020 upang itanggi na sila ay regular na empleyado.

“Nanawagan kami sa Supreme Court na gampanan ang kanilang tungkulin at resolbahin na ang aming kaso” panawagan ng TAG.

Source link