Martsa para protektahan ang 15-km municipal waters, inilunsad sa Iloilo

Higit 150 katao ang lumahok sa martsa ng mga Ilonggo noong Hunyo 28 para ipagtanggol ang 15-kilometrong municipal waters laban sa pagpasok ng komersyal na pangingisda. Binagtas ng martsa ang 40 kilometro mula sa bayan ng Miag-ao patungong Iloilo City.

Nagsimula sa Uni­versity of the Phil­ip­pines Visayas (UPV) sa Miagao ang martsa na tumagal ang 12 oras. Dumaan ito sa Guimbal, Tigbauan, at Oton bago nagtapos sa kampus ng UPV sa Iloilo City. Kabilang sa mga lumahok sa aktibidad ang mga mangingisda, estudyante, mga lokal na upisyal at mga tagapagtaguyod ng karapatan.

Ayon sa mga mangingisda, ang bawat hakbang nila ay panawagan para ipagtanggol ang kanilang eksklusibong karapatan sa municipal waters. Sigaw nila: “Aton ang Kinse!” (Atin ang Kinse!).

Nakaugat ang laban ng mga mangingisda sa naging desisyon noong Disyembre 2024 ng Korte Suprema na pinahihintulutang makapangisda ang malalaking kumpanya at negosyo sa municipal waters. Pipinsalain ng desisyong ito ang kabuhayan ng nasa 2 milyong mamamalakaya.

Hindi kayang makipagkumpetisyon ng maliliit na mangingisda na gumagamit ng tradisyunal at manwal na mga pamamamaraan ng paghuli ng isda sa mga abante, at kadalasan ay mapaminsala, na mga kagamitan at teknolohiya ng komersyal na mangingisda. Dahil sa abanteng kagamitan, mabilis na nasasaid ng malalaking barkong pangisda ang lahat ng klase ng yamang-dagat.

Source link