Niratrat ng bala at napatay ng mga pwersa ng estado ang 25-taong gulang na sibilyang si Joey Oas sa Barangay San Carlos, Palanas, Masbate noong Hunyo 29 ng alas-2 ng hapon. Pinaratangan siyang na “nanlaban.” Naulila ng biktima ang kanyang asawa at dalawang anak.
Ayon sa ulat, sinugod at pinalibutan ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Regional Intelligence Unit (RIU), Military Intelligence and Civil Operations (MICO) at PNP-Palanas ang biktima. Dahil sa gulat sa napakaraming pwersa ng estado, natakot at tumakbo si Oas. Sa halip na pahintuin, pinaulanan siya ng bala ng mga sundalo at pulis at pagkatapos ay pinalabas na nanlaban.
Para ilusot ang gawa-gawang kwento, naglubid ng kasinungalingan ang mga pulis at sinabing may mandaymento de aresto ang Cataingan RTC Branch 49 para sa kasong pagpatay laban kay Oas. Pinalabas ding nakumpiska sa kanya ang isang kalibre .45 pistola, mga magasin at bala.
Si Oas ay pinararatangan rin ng militar at pulis na myembro ng sparrow yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Hustisya at pananagutan ang sigaw ng pamilya, mga kaanak at kakilala ni Oas. Laganap sa social media ang pagtuligsa nila sa militar at pulis sa pagpapalanagap nila ng kasinungalingan.
Liban sa kaso ng pagpatay kay Oas, isinapanganib ng pagpapaulan ng bala ng mga pulis ang buhay at kaligtasan ng mga sibilyan sa barangay laluna at panahon ng tiangge (dahil Linggo) sa lugar.