Operation Lightning Strike ng US-Pilipinas sa Nueva Ecija, kinundena ng mga magsasaka

Kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang isinagawang Operation Lightning Strike, war games ng mga sundalong Pilipino at Amerikano, sa Palayan City, Nueva Ecija sa ilalim ng Salaknib Phase 2. Pinasabog sa war games na ito ang dalawang High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) at gumamit ng apat na Apache attack helicopter.

Ayon sa KMP, ang patuloy na presensya ng mga tropang Amerikano at serye ng mga war games sa Luzon ay patunay ng lalong lumalalim na panghihimasok ng US sa mga internal na usaping militar ng Pilipinas. Sa katunayan, halos katatapos lamang ng magkakasabay na war games ng tropa ng US, Australia at Pilipinas.

Inilunsad kamakailan ang Kamandag war games (Mayo 26-Hunyo 6) at Kasangga war games (Mayo 19-Hunyo 24) habang nagpapatuloy pa ang Salaknib 2025 Phase 2 na sinimulan noong Mayo 19. Libu-libong sundalong Amerikano at daan-daang tropang Australian ang nasa teritoryo ng Pilipinas para sa mga ito.

Noong Abril hanggang Mayo naman, inilunsad ng US at Pilipinas ang Balikatan 40-25. Hindi bababa sa 17,000 tropang Amerikano at Pilipino ang lumahok sa war games, kasama ang daan-daang mga sundalong Japanese at Australian. Sa imbitasyon ng rehimeng Marcos, nagsilbing tagamasid sa war games ang mga kinatawan at upisyal militar ng 16 pang ibang mga bansa.

“Mapanganib ang mga war games na ito sa mga komunidad ng magsasaka, lalo na ang live-fire missile tests. Hindi ito para sa tunay na depensa o kapayapaan, kundi bahagi ng paghahanda ng US para sa gera,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP. Sa ganitong kalakaran, ginagawang testing ground at forward base ang mga prubinsyang gaya ng Nueva Ecija, na pangunahing pinagkukunan ng bigas sa bansa, aniya.

Anang grupo, naglulustay ng bilyun-bilyong piso ang rehimeng Marcos para sa mapaminsalang mga war games na ito habang lumulubog ang mga Pilipino sa krisis sa bigas, sumisirit na presyo ng bilihin at langis at kawalan ng tunay na reporma sa lupa.

Binatikos din ng KMP ang pagpayag ng rehimeng Marcos na gamitin ng US ang Pilipinas bilang “unsinkable aircraft carrier” sa harap ng tumitinding girian nito sa katunggaling imperyalistang China. Ayon sa grupo ng mga magbubukid, higit nitong pinatataas ang tensyon sa rehiyon, partikular sa West Philippine Sea.

“Ginagawang base-militar ang ating bansa at inilalagay sa panganib ang buhay ng karaniwang mamamayan,” dagdag pa ni Ramos.

Nanawagan ang KMP sa mga lokal na upisyal at mamamayan ng Nueva Ecija na kundenahin ang Operation Lightning Strike at igiit ang pagpapalayas sa mga dayuhang tropa sa kanilang mga komunidad. “Ang tunay na proteksyon ng bansa ay nakaugat sa kasarinlan, kapayapaan, at kaunlarang nakabatay sa kabuhayan ng mamamayan hindi sa dayuhang armas at war games,” pagtatapos ni Ramos.

Source link