3 taong pagpapahirap at pagpapakatuta ng rehimeng Marcos, binatikos

Nagmartsa sa umaga ng Hunyo 30 patungong Mendiola sa Maynila ang mga pambansa-demokratikong organisasyon para batikusin at singilin ang rehimeng Marcos Jr sa okasyon ng ikatlong taon nito sa poder. Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) martsa. Tulad sa nakaraang mga demonstrasyon, hinarang ang mga raliyista ng mga pulis sa Recto Avenue pa lamang. Matagumpay nilang naalis ang barikada at naipahayag ang kanilang mga hinaing.

Pangunahing dala ng mga raliyista ang kapalpakan ng rehimen na ibaba ang presyo ng mga bilihin at itaas ang sahod ng mga manggagawa. Pinakahuling kasalanan ni Ferdinand Marcos Jr ang pagtangging suportahan ang panukala para sa dagdag-sahod na P200 sa buong bansa sa gitna ng malawak na kahirapan.

“Tatlong taon na, pero lalong lumalala ang kahirapan. Walang tunay na pagbabago,” ayon sa isang raliyista.

Binatikos din nila ang pangangayupapa ng rehimen sa imperyalismong US sa pagpapahintulot nito ng dagdag na presensyang militar sa bansa. Anila, lalo nitong inilalagay ang bansa sa panganib, sa gitna ng tumitinding tensyon sa Asia, at rumaragasang mga armadong sigalot sa Middle East.

Kasama sa mga tumuligsa sa rehimen ang mga magbubukid. Anila, lalong lumala ang kawalan ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.

“Tatlong taon ng panunungkulan na nagpalala sa kawalan ng lupa, kagutuman, at pandarahas. Walang patid na pinsala ang ginawa ni Marcos Jr. sa kanayunan. Mula noon hanggang ngayon, isa siyang peste sa mga magbubukid. Marcos Jr. must be held to account for this worsening situation,” pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Tatlong taong batbat ng mga paglabag sa karapatang-tao ang panunungkulan ng rehimen, ayon naman sa Karapatan. “Nananatili ang kontra-insurhensyang programa ng estado, gayundin ang mga batas na sumusupil sa mga batayang karapatan at kalayaan ng mamamayan. Liban sa palamuti at pagpuposturang “mas maige” na ang kalagayan ng karapatang-tao, walang nagbaggo sa kalagagayan ng kaparatang-tao at paghahangad ng hustisya sa bansa,” ayon sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao.

Ang martsa ay bahagi ng malawakang pagkilos ng mga pambansa-demokratikong grupo para tuligsain ang mga anti-mamamayan at pabor sa dayuhan na mga patakaran ng rehimen, laluna habang papalapit na ang pang-apat na State of the Nation Address nito.

Source link