Daan-daan myembro ng iba’t ibang progresibong grupo at mga alyado ang lumahok sa Stonewall Philippines Pride March na ginanap sa Recto Avenue, Maynila noong Hunyo 26. Pinangunahan ang martsa ng grupong Bahaghari. Hindi sila nakaabot sa Mendiola dahil sa panghaharang ng mga pulis.
Ayon sa grupo, pagsabuhay ang martsa ng diwa ng makasaysayang Stonewall Manila, na inilunsad noong Hunyo 26, 1994 na pinangunahan ng Progressive Organization of Gays in the Philippines (Pro Gay) at Metropolitan Community Church. Ito ang kauna-unahang Pride march sa Pilipinas at buong Asya na ipinaglaban noon ang mga isyung pangkasarinlan, pang-ekonomiya, panlipunan at pampulitika.
Bitbit ng mga raliyista ang makukulay na bandila at plakards na may panawagang pagsasabatas ng SOGIE Bill, nakabubuhay na sahod, trabaho, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, at independyenteng patakaran panlabas, kalayaan para sa Palestine at iba, mga litrato ng mga martir ng komunidad ng LGBTQ+ tulad nila Alex Dolorosa, Chad Booc, Ryan Hubilla, at Ali Macalintal.
Sa programa, pinaliwanag ni Reyna Valmores Salinas, tagapangulo ng Bahaghari ang kahulugan ng pride bilang protesta, at mga panawagan ng komunidad ng LGBTQ+. Nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang grupo sa komunidad at nanawagan para sa tunay na pagkapantay-pantay ng mga kasarian, paglaban sa kahirapan at pagtigil sa mga gera at korapsyon ng gubyerno. Nagbigay din ng pahayag si Direk Joel Lamangan hinggil sa mahalagang papel ng LGBT sa lipunan at papanagot sa estado sa nangyayaring lantarang korapsyon.
Naglunsad ng iba’t ibang pangkulturang pagtatanghal ang mga grupo. Tampok dito ang drag performance nila Gabriela She Lang, sa kantang ‘Gabriela’ ng Katseye at Maria Chrisina sa kantang ‘rolling in the deep’ sa harap ng mga kapulisan. Sa dulong bahagi ng programa ay nagbigay ng mataas na pagpupugay sa mga martir ng rebolusyon tulad nila Kal Peralta, Shielah May Pacaldo, Joe Lapira, Wendell Gumban at Dee Supelanas.