Duterte, mga kasapakat, inirekomendang sampahan ng mga kasong kriminal

Matapos ang 13 pagdinig, inirekomenda ng Quad Committee ng Kongreso noong Disyembre 18 ang pagsasampa ng kasong krimen laban sa sangkatauhan sa dating presidente na si Rodrigo Duterte at kanyang mga kasapakat kaugnay sa malawakang ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga ng kanyang administrasyon. Ang kasong ito ay katulad sa isinampa ng mga pamilya ng mga biktima sa gera kontra-droga sa International Criminal Court (ICC). Kasabay nito, inirekomenda rin ang komite na sampahan ng hiwalay na kasong kriminal ang mga nasangkot sa Philippine Offshore Gaming Operations o POGO.

Ayon sa ulat ng komite, isa sa mga nasiwalat sa pagdinig ang sistema ng paggantimpala ni Duterte na nagpondo sa “gera kontra-droga” ng kanyang administrasyon. Anito, nagbunga ang sistemang ito sa culture of impunity na nagresulta sa ekstrahudisyal na pagpaslang ng 12,000 hanggang 30,000 mga pinaghihinalaang mga gumagamit ng droga. Ang sistemang ito, ayon na rin sa mga dumalo sa mga pandinig, ay nakasunod sa “modelong Davao” ng ekstrahudisyal na pamamaslang noong meyor pa ng Davao si Duterte. Inamin mismo ni Duterte, sa isang pagkakataong dumalo siya sa pagdinig, ang pagbibigay ng gantimpala sa mga pulis mula sa sobrang pondo ng mga operasyong kontra-droga.