Mga tauhan ng NTF-Elcac, pinagbabayad ng danyos dahil sa Red-tagging

Panalo ang mamamahayag na si Alfonso Tomas “Atom” Araullo sa kasong sibil na isinampa niya laban sa mga tauhan ng National Task Force-Elcac na sina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz dahil sa Red-tagging ng mga ito. Pinagbabayad sina Badoy at Celiz ng kabuuang ₱2.08 milyon bilang danyos sa perwisyong idinulot ng kanilang aksyon kay Araullo. Kinatawan siya sa korte ng mga abugado mula sa Movement Against Disinformation.

Isinampa ni Araullo ang naturang kaso noong Setyembre 2023 kaugnay ng walang tigil na paninira at pagkakalat ng kasinungalingan ng dalawa sa kanilang programa sa telebisyon ng SMNI at social media. Sa kasong isinampa, sinabing nilabag ng dalawa ang karapatan ni Araullo na humantong sa seryosong kasiraan at pinsala sa kanyang reputasyon, kapayapaan sa isip at mga personal na relasyon.

Sa desisyon ng korte, sinabi nitong inabuso ng dalawa ang malayang pamamahayag sa pag-red-tag nila kay Araullo. Ito ang kauna-unahang desisyon ng isang korte sa ganitong tipo ng kaso.

Ginamit ng huwes bilang batayan ng hatol ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing ang “Red-tagging, paninirang-puri, pagbansag, at pagtratong maysala dahil sa pagkakasangkot ay nagiging banta sa karapatan ng isang tao sa buhay, kalayaan, o seguridad.”

Samantala, maituturing ding tagumpay ng kolektibong aksyon ng mamamayan ang naipasang mga panukala ng lokal na konseho sa Naga City at Baguio City laban sa Reg-tagging at iba pang porma ng intimidasyon at karahasan sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao.