Nagpupunyagi ang rebolusyonaryong kilusang kabataan sa Central Luzon

Sa kapatagan at mga kabundukan ng Central Luzon, nag-aalab ang pagpupunyagi ng rebolusyonaryong kilusang kabataan para pangibabawan ang mga kahinaan, iwasto ang mga pagkakamali at higit na palakasin ang hanay ng Kabataang Makabayan (KM) sa rehiyon. Nagsisikap silang abutin ang pinakamaraming kabataan at pandayin sila bilang mga rebolusyonaryo, mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), at kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Pinagtibay ng mga myembro ng KM-CL ang plano nitong isulong at pamunuan ang rebolusyonaryong kilusang kabataan sa rehiyon. Muli nilang binuklat at pinag-aralan ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino (LRP), mga saligang dokumento ng KM at Partido, mga sulatin at turo ng tagapangulong tagapagtatag ng KM na si Kasamang Jose Maria Sison, at ang malawak na aralin ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Mula rito, humugot sila ng kaalaman at inspirasyon para tasahin ang sariling karanasan at umani ng rebolusyonaryong aral at teorya.

Noong Oktubre, nagtipon ang mga myembro ng KM sa Pampanga para idaos ang panunumpa sa bandila at pinagtibay ang kanilang paninindigan at katapatan sa organisasyon. Sinariwa din nila ang buong pusong pagtanggap sa linya, programa at patakaran ng KM, pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang kabataan-estudyante sa probinsya, pag-aambag sa armadong pakikibaka at pagpupunyagi sa pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay. Kasunod nito, lumahok sila sa kolektibong pagbubungkal sa isang sakahan.

Buhay na inialay ni Ka Mabel

Insipirasyon ng KM-Central Luzon sa pagpapanibagong-lakas nito ang mga martir mula sa hanay ng kabataan. Isa dito si Azase Galang (Ka Mabel) na nabuwal noong Hunyo 26 sa isang depensibong labanan sa Pantabangan, Nueva Ecija.

Sa murang edad, batid na ni Ka Mabel ang mukha ng pasismo. Ang ama niya ay dinukot at winala ng mga ahenteng militar sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo. Noong 2022, dinukot ang kanyang ina na si Maria Elena “Cha” Pampoza ng mga ahenteng militar.

Nag-umpisa siyang kumilos sa hanay ng kabataan noong 2016. Gumampan siya ng susing tungkulin sa pagtatatag ng samahan ng kabataan sa prubinsya ng Tarlac. Nahalal siyang tagapangulo nito noong 2020.

Sa ikaapat na taon sa kursong Public Administration sa Tarlac State University, nagpasya siyang maging buong-panahong aktibista sa Central Luzon at talikuran ang kanyang pangarap na maging abugado. Tumayo siyang kalihim ng KM ng rehiyon. Noong Hulyo 2023, nagpasya siyang maging mandirigma ng BHB.

“Sa likod ng kanyang seryosong mukha, nakakubli ang malambot na pusong laging handang mag-alay ng oras at panahon para sa masa, hinding-hindi ko siya makakalimutan,” ayon kay Echo, isang estudyante noon na nirekrut niya sa Tarlac, na ngayo’y bagong sumpang kasapi ng KM. Marami pang mga kabataang tulad ni Echo na binigyang inspirasyon ng buhay ng sakripisyo at pagpupunyagi ni Ka Mabel.

Kapasyahan ni Ka Aya

Isa si Ka Aya sa kasalukuyang mga organisador ng KM sa rehiyon. Sa loob ng ilang taong pag-aaral sa isang pampublikong paaralan, naging malinaw sa kanya na bulok ang edukasyon sa bansa. Sa pag-aaral sa lipunang Pilipino, naunawaan niya ang ugat ng mga suliraning ito.

Sa loob ng ilang buwang pagkilos, naranasan ni Ka Aya ang pasismo ng estado sa mga kabataang nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan. Imbes na matakot, mas natulak siyang higit na manindigan.

Sa tuluy-tuloy na paglubog sa hanay ng anakpawis, naunawaan niya ang mga pakikibaka ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Lubos niyang niyakap ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan.

Ilang taon makalipas, nagpasya siyang ialay ang buong panahon bilang isang organisador ng mga kabataan. Binitawan niya ang petiburges at komportableng buhay. Batid niyang walang naghihintay na magandang bukas para sa kabataan na tulad niya hangga’t patuloy ang pagsasamantala at pang-aapi sa bayan.

Mula sa Kalayaan Nobyembre 2024, KM-Central Luzon.