Duterte panagutin, Marcos, singilin! Nagtipon ang mga demokratikong organisasyon at progresibong partido sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Disyembre 10 para gunitain ang ika-76 Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao. Inilantad nila ang kalunus-lunos na kalagayan ng karapatang-tao sa bansa sa ilalim ng dalawang magkasunod na rehimen. Winasak ng mga raliyista ang isang effigy na tinawag nilang “Mamamayan vs Kasamaan at Kadiliman” na sumimbolo sa kabulukan ng mga Marcos at Duterte. Nagkaroon ng katulad na mga pagkilos sa Bicol, Cebu, Iloilo, Davao at Baguio.
Impeach Sara! sigaw ng mga kabataan sa rali sa Quezon City. Nagprotesta ang mga kasapi ng Anakbayan sa Quezon City noong Disyembre 8 para ipanawagan ang pagtatanggal kay Sara Duterte bilang bise presidente. Kasabay nilang iginiit ang pagpapanagot kay dating pangulong Rodrigo Duterte para sa mga krimen nito sa kabataan at sangkatauhan, at paniningil kay Ferdinand Marcos Jr sa inutil at bulok na pamamalakad sa gubyerno.
Upisyal ng DepEd sa NCR, kinasuhan. Nagpiket sa harap ng upisina ng Ombudsman sa Quezon City noong Disyembre 10 ang mga guro ng pampublikong paaralan sa NCR kasabay ng paghahain ng kasong administratibo laban kay Superintendent Rita E. Riddle. Isinampa laban kay Riddle ang kasong grave misconduct at labis na pag-abuso sa awtoridad kasunod ng panggigipit at panghaharas niya sa mga guro. Nakabatay ang kaso sa panggigipit ni Riddle sa pagkilos ng may 200 guro noong Mayo 15.