Nagmartsa sa Recto Avenue sa Maynila ang mga kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) noong Disyembre 16 bilang paggunita sa kanilang ika-60 anibersaryo at ikalawang taon ng pagkamartir ni Kasamang Jose Maria Sison. Sa gitna ng mataong lugar, mapangahas na isinigaw ng mga kasapi ng KM ang panawagan sa mamamayan na lumahok sa digmang bayan.
Sa ilang minutong programa, nanawagan ang KM na ibagsak ang mga Marcos at Duterte sa gitna ng kanilang burukrata-kapitalistang paggigirian. Kinundena nila ang rehimen sa paglulustay nito ng milyun-milyong piso para sa terorista at pasistang kampanya laban sa kabataan at mamamayan habang kinakaltasan ang para sa serbisyong panlipunan.
Sa nagdaang dalawang linggo, inilunsad ng mga balangay ng KM sa iba’t ibang unibersidad at komunidad sa Metro Manila, Baguio City, Quezon, Cebu, Iloilo at ibang prubinsya ang Oplan Pinta-Oplan Dikit para gunitain ang kanilang anibersaryo noong Nobyembre 30. Samantala, naglathala ng espesyal na isyu ng Kalayaan ang KM-Central Luzon para rito.
Pinaalingawngaw ng KM sa mga aktibidad nito ang panawagan sa mga kabataan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at biguin ang tangka ng rehimeng US-Marcos na gupuin ang rebolusyonaryong kilusan sa bansa.
Parangal kay Ka Joma. Noong Disyembre 15, naglunsad ng aktibidad ang pamilya, mga kasama at kaibigan ni Kasamang Jose Maria Sison sa Utrecht, the Netherlands para gunitain ang ikalawang taon ng kanyang pagkamartir. Pinangunahan ang pagtitipon ng JMS Legacy Foundation na may temang “Ang Gabay: Pag-alala at pagpapatuloy sa legasiya ni Jose Maria Sison.” Para makalahok ang ibang mga kasama mula sa Pilipnas, kasabay na inilunsad ang isang online na pagtitipon sa araw na iyon.