Ipinutok noong Disyembre 3 ang walang taning na pangkalahatang welga ng mga manggagawa sa South Korea sa ilalim ng Korean Confederation of Trade Unions (KCTU) bilang tugon sa deklarasyon ng batas militar ng presidente ng bansa na si Yoon Suk-yeol. Bumibilang sa 1.2 milyong manggagawa ang kasapi ng KCTU, ang pinakamalaking pederasyon ng mga unyon sa bansa.
Ang pagpataw ng batas militar ay taktika lamang ni Yoon Suk-yeol para supilin ang mamamayan at manatili sa pwesto sa gitna ng rumaragasang krisis sa pulitika, ayon sa KCTU. Idinahilan ni Yoon ang “paggapi sa mga pwersang maka-North Korea” at “pagpapanatili sa kaayusang konstitusyunal” para ipataw ito. Pero ayon sa KCTU, pagdadahilan lamang ito ni Yoon para palawigin ang sarili sa poder dahil sukol na siya sa pulitika. Ilang buwan nang binabayo ng krisis ang administrasyon ni Yoon, na nahaharap sa 22 reklamong impeachment, at dagdag na 10 na hindi pa naisampa. Kinamumuhian ang kanyang administrasyon dahil sa kontra-manggagawang mga patakaran at pagiging sunud-sunuran sa imperyalismong US.
Itutuloy ng mga manggagawa ang kanilang welga hanggang di bumababa sa pwesto si Yoon.