Teorya sa pambansang paglaya, paksa ng ika-3 internasyunal na kumperensya ng NDFP

Matagumpay na idinaos ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang ikatlong internasyunal na kumperensyang teoretikal sa Amsterdam, The Netherlands noong Nobyembre 29-30. Paksa ng kumperensya ang teorya ng pambansang paglaya mula sa imperyalismo. Dinaluhan ang kumperensya ng 114 indibidwal na kumatawan sa 57 proletaryo-sosyalistang partido, kilusan sa pambansang paglaya at anti-imperyalistang organisasyon.

Maaalalang idinaos ang una at ikalawang kumperensyang teoretikal noong Oktubre 2023 at Marso 2024 na tumalakay sa imperyalistang digma at imperyalistang krisis sa ekonomya. Ayon sa NDFP, sinaklaw ng ikatlong kumperensya ang mga teoretikal at praktikal na kontribusyon nina Lenin, Stalin at Mao kaugnay sa usapin ng pambansang paglaya, kabilang ang iba’t ibang pamamaraan ng paggigiit at pagtataguyod sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili, kapwa armado at hindi armado. Iginugol ang unang araw ng kumperensya sa presentasyon ng mga inihandang kontribusyon. Idinaos ang plenaryo sa pangalawang araw kung saan sinuma ang mga punto ng mga delegado.

Kabilang sa mga paksa na tinalakay ang pinsalang dala ng mga imperyalistang agresyon at mga gerang proxy sa kalayaan at kasarinlan ng mga bansa. Sinaklaw rin ng mga talakayan ang samutsaring usaping kinakaharap ng mga hindi tapos na mga kilusang pagpapalaya, at ang pangangailangang ipagpatuloy ang pagkonsolida at pagtatanggol ng nakamit nang mga tagumpay. Isa sa mga napag-usapan ang pagbubuo at pagpapalakas ng internasyunal na suporta para sa mga kilusang ito.

Lubos na ikinalugod ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pagtalakay sa pambansang pagpapalaya sa ikatlong kumperensya. Nakasaad sa pangunahing artikulo sa pagtitipon na inakda ng Komite Sentral ng PKP: “Ang pakikibaka ng inaaping mamamayan sa buong mundo para sa paglaya ay nagsisilbing isa sa mga krusyal na elemento sa pangkalahatang estratehiya para isulong ang internasyunal na rebolusyonaryong adhikain ng proletaryo.”

Anito, dahil sa pang-aapi ng imperyalismo, naging masidhi ang paghahangad ng mga mamamayan sa pambansang paglaya o pagpapasya-sa-sarili mula sa kolonyalismo. Sa mga bansang ito, tali ang malalaking burges-kumprador sa kolonyal na ekonomya at sunud-sunuran sa mga imperyalista, at mahina ang petiburges at pambansang burgesya. Sa gayon, nasa balikat ng uring manggagawa ang tungkuling buklurin ang lahat ng inaaping uri at sektor at pamunuan ang laban para sa pambansang paglaya. Sa panahon ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon, lumitaw ang bagong tipo ng burges-demokratikong rebolusyon na pinamumunuan ng proletaryo, at isinusulong bilang paunang hakbang para sa paglulunsad ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Ang ambag ng iba’t ibang kalahok sa kumperensya ay nakatulong sa pagpapalalim at pagpapayaman sa talakayan sa usapin ng pambansang pagpapalaya. Ibinahagi ng rebolusyonaryong grupo mula sa Cyprus ang papel na ginagampanan ng kanilang teritoryo sa imperyalistang mga digma sa Middle East at North Africa. Sa kasalukuyan, ginagamit ito ng limang kapangyarihang NATO (Turkey, Greece, US, United Kingdom at France) bilang base at lunsaran ng kampanyang henosidyo ng US at ng Zionistang Israel sa Palestine, gayundin sa pagpapalawak ng gerang agresyon sa Middle East.

Samantala, inilahad ng mga pwersang komunista sa Turkey at Kurdistan ang magkaugnay nilang laban. Ang kilusang Turkish bilang kilusang lumalaban sa isang bansang pinaghaharian ng mga imperyalistang kapangyarihan, habang ang kilusang Kurdish ay inaapi ng kumprador na estado ng Turkey. Malalim rin ang ugnay ng kilusan ng Kurdistan sa Palestine, kung saan unang nagsanay ang kanilang mga mandirigma.

Sa kabuuan, naging mabunga ang mga talakayan at naabot ang panibagong antas ng pagkakaisa sa pagitan ng mga delegado. Nagpahayag din ang mga Partido at organisasyon ng kanilang tahasang suporta sa kilusang mapagpalaya sa Palestine at sa mga grupong nagtataguyod rito, kabilang ang Hamas. Liban sa nabanggit nang mga bansa, nagsumite rin ng kani-kanilang mga kontribusyon at pananaw ang mga kasama mula sa Eritrea, Nepal, Senegal, Italy at US.

Sa pagtatapos ng kumperensya, isinagawa ang isang espesyal na kultural na pagtatanghal noong Nobyembre 30 bilang paggunita sa ika-60 anibersaryo ng Kabataang Makabayan at ang makasaysayang papel nito sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang kabataan sa Pilipinas at paghikayat ng pakikiisa sa rebolusyong Pilipino.