Muling inilalathala ng rebolusyonaryong kilusan sa Camarines Norte ang pahayagang Alipato bilang instrumento sa gawaing propaganda at pag-oorganisa ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa prubinsya. Nagpasya ang Komite ng Partido sa prubinsya na muling ilabas ang rebolusyonaryong pahayagang masa noong Hunyo 2024.
Resulta ito ng ibayong pagsisikap ng Komite para itampok ang mga lokal na isyu sa ekonomya at pulitika, mga pakikibakang masa, at ilantad ang karahasan at pasismo ng mga yunit ng 16th at 81st IB sa masang CamNorteño. Anang Komite, dapat gamitin ang isanlibo’t isang pamamaraan at higit pa, para sa pagsikad paabante ng digmang bayan.
Ayon sa patnugutan ng Alipato, kaagad silang nagsimula sa proseso ng pagbubuo ng dyaryo matapos buuin ang desisyong muli itong ilathala. Tumagal lamang ng halos dalawang linggo ang pagsusulat ng mga artikulo, pangangalap ng koresponsal at pagbubuo sa dyaryo. Naisagawa nila ito sa kaayusan ng gerilyang pagkilos sa loob ng yunit ng BHB na kanilang kinabibilangan.
Mayroong 10 bahagi ang isyu noong Hunyo. Itinampok ng Alipato sa editoryal ang panawagan nito sa masang CamNorteño na wakasan ang kahirapan at lumahok sa digmang bayan. Mayroon itong balita sa mga aksyong militar ng mga yunit ng BHB-Camarines Norte, mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng armadong pwersa ng rehimeng Marcos, pagtutulungan ng masa at hukbo at iba pang isyung pambayan. Naglaman din ito ng mga seksyon ng payong medikal, tribya at puzzle.
“Kasabay ng pagbuhay sa Alipato ay ang muling pag-aayos ng makinarya sa reproduksyon at distribusyon sa lokal,” kwento ng mga kasama kaugnay ng sistema ng pamamahagi ng dyaryo. Anila, pangunahin nilang tinatarget na mabigyan ng kada isang kopya ang lahat ng mga kasapi ng Partido sa lokalidad at kasunod, maging ang mga kasapi ng mga organisasyong masa sa bawat barangay.
Kasabay ng muling paglathala ng Alipato, sinisikap rin ng yunit sa propaganda sa prubinsya na palakasin ang kanilang presensya sa social media para maipalaganap ang artikulo nito sa internet. Mula sa dati nilang karanasan, ibinahagi ng mga kasama na relatibong nakatulong ang social media sa pagpukaw sa interes ng masa sa mga lugar na hindi pa naaabot ng mga armadong yunit.
Unang inilathala ang Alipato noong 1988 bilang resulta ng mga sunud-sunod na kampanyang anti-pyudal. Inilathala sa mga pahina nito ang organisadong pagkakaisa ng mga magsasaka at hukbo sa harap ng tuminding pyudal na paghahari ng mga panginoong maylupa sa prubinsya kasabwat ang mga lokal na upisyal ng gubyerno noong dekada 1980.
Sa mga pahina nito ibinalita ang pagbubunyi ng masang CamNorteño sa pagpapataw ng parusa ng BHB sa mga despotikong panginoong maylupa sa prubinsya. Nailathala rin dito ang kwento ng ispontanyong paglaban ng mga magsasaka at mamamayan laban sa dayuhang pagmimina noong 1981.
Sa sumunod na mga dekada, naging pangunahing tagapamandila ang Alipato ng mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya na nagsilbing inspirasyon para sa pagpapalakas pang lalo ng diwa at loob ng masa na lumaban at makibaka. Naging katuwang rin ng dyaryo sa larangan ng gawaing propaganda ang regular na paglalathala ng Tilamsik ng Dakilang Apoy, ang rebolusyonaryong pangkulturang dyornal ng Camarines Norte.
Sa kasalukuyan, plano ng yunit na ilabas ang isyu ng Alipato kada kwarto ng taon. Liban dito, nakabalangkas din silang maglabas ng mga espesyal na isyu kung kinakailangan. “Ang Alipato ay bukas sa tuluy-tuloy na pagpapaunalad at komentaryo. Inaasahan namin…na makakatulong ito sa [pangkabuuang gawain sa propaganda],” pahayag ng patnugutan.
Dagdag ang Alipato sa maramming rebolusyonaryong pahayagang masa mula sa antas larangan, prubinsya, rehiyon at pambansa na inilalathala ng Partido, ng mga yunit ng BHB, at mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines. Ang mga ito ay nagsisilbing materyal para sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan saanmang bahagi ng bansa.