Sa isang kubo sa isang larangan sa Southern Tagalog, nakatipon ang ilan sa mga instruktor at ang punong instruktor ng pag-aaral sa Paaralang Jose Maria Sison (PJMS). Ramdam nila ang pananabik na simulan na ang pag-aaral. Tatlong klasrum ang magbubukas sa gabing iyon: Ang mga estudyante ay mahahati sa Saligang Proletaryong Paninindigan at Pananaw sa Rebolusyon, Ekonomyang Pampulitika at Imperyalismo.
Sa loob ng humigit-kumulang dalawang buwan, naging karaniwang tagpo ito sa bawat base ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Southern Tagalog. Binuksan ng yunit ang PJMS upang pormal na simulan ang Batayang Kurso ng Partido (BKP) para sa mga kasapi ng Partido at masang aktibista mula sa kinokonsolidang mga baryo.
Inilunsad nang baha-bahagi ang BKP bilang pag-angkop sa iskedyul ng masa na abala sa pagkakaingin, paghahanap-buhay o kaya’y pag-aalaga ng mga anak. Kapag nagtatagal ang oras bago masimulan ang pag-aaral, umaangkop ang yunit sa paglulunsad ng pulong talakayan o pulong kultura.
Minsan habang may isa hanggang tatlong klasrum sa isang pwesto, mayroon pang isang tim na naka-detats para magbigay ng pag-aaral sa lugar na mas malapit sa tirahan ng masa. Positibong natukoy sa yunit ang hindi paghihintay o pag-aasam ng ideyal na sitwasyon upang ilunsad ang pag-aaral. Habang may mga bugso ng pag-aaral na may sabay-sabay na klasrum at maraming bilang ng estudyante, mayroon ding kasabay na mga paisa-isa o pailan-ilan para mapatapos ang masa ng pag-aaral.
Magkahalong matatanda, kabataan, lalaki at babae, at minsan kasama pa ang kanilang mga anak, ang mga estudyante sa mga pag-aaral. Gayudin, mayroong mga beterano at bata sa kanilang mga instruktor, pero higit kalahati ay mula sa bagong sampang mga kabataan. Nagsalimbayan ang husay at galing ng mga instruktor na mula sa uring magsasaka at petiburgesya.
Inilunsad ng yunit ang BKP dahil malinaw na kinakailangang maarmasan ang masa ng mga rebolusyonaryong teorya at prinsipyo upang maharap at malabanan ang tumitinding krisis at ang sumasahol na terorismo ng estado sa kanilang mga komunidad. Pagsisikap rin ito na tumugon sa kilusang pagwawasto ayon sa yunit.
Bago ang pag-aaral, naglunsad ang yunit ng dalawang bugso ng BKP Instructor’s Training. Sinikap sa pagsasanay na ilapat sa partikular na kalagayan, karanasan at kultura ng masa ang BKP. Susi na ang mga instruktuor ay may sapat na panlipunang imbestigasyon at pagsusuri sa uri sa lokalidad. Hinikayat din ang mga instruktor na maging malikhain sa pamamaraan ng pagtuturo at mahusay sa pagsasanib ng mga piyesa ng rebolusyonaryong sining sa mga paksa.
Tinumbasan ng masa at milisyang bayan ang paghahanda ng Hukbo. Katuwang sila sa pag-iimbita sa mga estudyante, pagtitiyak ng seguridad at pagpasok ng kinakailangang suplay. Liban pa rito ang sakripisyo ng masa sa pagdalo sa pag-aaral na minsa’y nagtatagal hanggang alas-11 ng gabi kahit na may trabaho kinabukasan. Kapag ginagabi, magkasalong nagkakape ang masa at mga Pulang mandirigma para magising ang mga mag-aaral at mga instruktor.
Sa pagtatapos ng mga pag-aaral, sama-samang kumakanta ang mga instruktor at mag-aaral ng iba’t ibang rebolusyonaryong awit. Bago umuwi, masayang nagkakamayan at nagpapaalamanan ang masa at Hukbo sa isa’t isa kasabay ng mga paanyaya at tugon sa susunod na pag-aaral. Nagbunga ang mga pag-aaral sa pagtatayo ng isang bagong sangay ng Partido sa lokalidad.
Kaagad nasubok ang tatag ng masang nagtapos ng BKP nang humarap sa pasistang atake ng kaaway ang kanilang mga baryo at saklawin ng focused military operation ng AFP. Binigo ng kanilang pagkakaisa ang terorismo ng estado. Sama-sama silang lumaban, na mahigpit na katuwang ang kanilang tunay na hukbo.
Ipinamalas ng aktibong pagtaguyod at paglahok ng masa sa Paaralang JMS na kanilang tinatanggap ang pagwawasto ng Partido at ang kanilang bahagi rito. Dapat na magsilbing hamon sa mga rebolusyonaryo—lalo na sa mga kadre at kasapi ng Partido at Hukbo—na ipatagos sa mga lokal na pwersa ang pagwawasto bilang kanila ring tungkulin upang walang pag-aatubiling ialay ang lakas, talino at kakayahan sa pagpapanibagong lakas ng demokratikong rebolusyon ng bayan.