Tinambangan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bukidnon ang nag-ooperasyong tropa ng militar sa Namnam River sa Barangay St. Peter, Malaybalay City, Bukidnon noong Oktubre 24. Tatlo ang napatay sa mga pasistang sundalo at nasamsam sa kanila ang isang ripleng R4, vest at mga magasin, pistola, 10 bakpak, mga bala at iba pang suplay.
Naisagawa ng BHB ang taktikal na opensibang ito sa kasagsagan ng mga focused military operations ng mga batalyon ng Armed Forces of the Philippines sa rehiyon. Bago nito, inatake ng BHB ang tropa ng 26th IB sa Sityo Kimam, Barangay Binicalan, San Luis, Agusan del sur noong Oktubre 14. Nasamsam sa mga sundalo ang apat na bakpak at iba pang kagamitang militar.
Noong Oktubre 22, na-engkwentro ng BHB ang 26th IB sa Barangay Binicalan. Namartir sa naturang labanan si Ike Dahonay (Ka Tres). Hindi bababa sa limang sundalo ng 26th IB ang tinatayang napaslang habang marami pang iba ang nasugatan, ayon sa yunit ng BHB.
Aktibong depensa. Sa Masbate, nakapagtanggol ang mga yunit ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command) laban sa tangkang reyd ng AFP sa kanilang kampuhan sa bayan ng Uson at Baleno noong Nobyembre. Pitong sundalo ang naiulat na napaslang sa aktibong mga depensa habang pitong iba pa ang nasugatan.
Noong Nobyembre 22, nilabanan ng BHB ang 2nd IB sa Sityo Pile, Barangay San Jose, Uson. Nakadepensa rin ang yunit ng BHB-Masbate noong Nobyembre 20 laban sa 96th IB sa Barangay Cancahorao, Baleno. Nadakip pagkatapos ng labanan ang isang Pulang mandirigma. Nanawagan ang BHB-Masbate na igalang ang karapatan ng nadakip bilang hors de combat o mandirigmang wala sa katayuang lumaban.
Sa Oriental Mindoro, binigo ng mga Pulang mandirigma ang pag-atake ng 76th IB at 203rd IBde laban sa yunit na nakahimpil sa Sityo Camilian, Barangay Bugtong na Tuog, Socorro noong Nobyembre 18. Dalawang pasistang sundalo ng rehimeng Marcos ang napatay sa aktibong pagtatanggol ng hukbong bayan habang marami ang nasugatan.