Reklamo para alisin sa pwesto si Sara Duterte, inihain sa Kongreso

Inihain ng 74 indibidwal at kinatawan ng mga organisasyon ang isang impeachment complaint o pormal na reklamo para alisin sa pwesto si Vice President Sara Duterte noong Disyembre 4. Inendorso ang reklamo ng mga kongresista ng blokeng Makabayan na sina Rep. France Castro, Rep. Arlene Brosas at Rep. Raoul Manuel.

Nakabatay ang reklamo sa “betrayal of public trust” o pagtataksil sa tiwala ng publiko na nakatuntong sa tatlong usapin: 1) ang pag-abuso, maling paggamit at pagwawaldas sa ₱612.5 milyon na confidential funds; 2) sistematikong pagtatakip sa krimen sa pamamagitan ng gawa-gawang mga ulat, resibo at dokumentong isinumite sa Commission on Audit (COA), at 3) sadyang pagharang sa imbestigasyon at pagbusisi ng Kongreso.

Kalakhan ng mga detalye ng pagtataksil na ito ay lumitaw sa mga pagdinig na isinagawa ng Committe on Good Governance and Accountability ng Kongreso na bumusisi sa paggastos ni Sara Duterte sa pondo ng Office of the Vice Presidente (OVP) at Department of Education (DepEd). Naging sentro ng pagdinig ang maanomalyang paggamit ng confidential and intelligence funds (CIF) ng dalawang upisina.

Sa pitong pagdinig na isinagawa ng komite mula Setyembre hanggang Nobyembre, ipinamalas ni Duterte at kanyang mga upisyal ang pagmamatigas sa imbestigasyon para takasan ang kanilang pananagutan. Ilang beses tumanggi si Duterte at kanyang mga upisyal sa patawag ng Kongreso. Sa isang pagdinig, tumanggi pang manumpa si Duterte at sinabing “pamumulitika” lamang ang pagbusisi sa kanyang paggamit ng pampublikong pondo. Sa halip na sagutin ang mga tanong ng kongresista, paulit-ulit niyang kinwestyon ang layunin ng Kongreso. Paulit-ulit ding nagsinungaling ang kanyang mga upisyal para pagtakpan ang mga anomalya ng kanilang amo.

Sa mga pagdinig, napatunayang ginastos ni Duterte ang ₱125 milyong confidential funds sa loob ng 11 araw sa di malinaw na mga paraan. Mayorya nito (₱73 milyon) ay ipinabalik ng COA dahil sa maling paggamit, tulad ng paggastos sa pagkain, medikal at napakalaking upa sa mga “safe house.” Nabuko rin ang paghingi ni Duterte ng mga sulat-sertipikasyon para pagtakpan ang ninakaw niyang ₱150 milyon na pinalabas niyang ginastos para sa mga Youth Leadership Seminar (YLS) ng Armed Forces of the Philippines.

Dalawang beses tinangka ng kanyang chief-of-staff na si Zuleika Lopez na pigilan ang COA na ibigay ang mga dokumento kaugnay sa confidential funds sa Kongreso. Dahil sa pagsagka niya sa kapangyarihan ng kongreso, pinatawan si Lopez nang hanggang 10 araw na detensyon. Lumikha ng gulo si Duterte nang harangin at pigilan niya ang paglilipat kay Lopez sa kulungan ng kababaihan sa Mandaluyong. Nagresulta ito sa gitgitan sa pagitan ng mga gwardyang militar ni Duterte at mga upisyal sa seguridad ng Kongreso at pulis. Kinasuhan ng PNP ang mga gwardya ni Duterte ng direct assault (direktang pag-atake), pagsaway sa awtoridad at grave coercion (malalang pamimilit). Nagresulta rin ito sa pagtanggal at pagpalit ng AFP sa kanyang mga gwardyang militar.

Sa takbo ng mga pagdinig, lumitaw ang sandamakmak na mga iregularidad sa dokumentasyon at proseso, tulad ng libu-libong mga resibong walang lagda, gawa-gawang mga pangalan tulad ng “Mary Grace Piattos” at marami pang iba. Isa pang di kapani-paniwala ang pagnonotaryo ng iisang abugado sa halos lahat ng mga dokumento ng OVP at DepEd. Lumitaw din ang tangkang panunuhol ni Duterte sa mga upisyal sa DepEd para pasunurin sila sa mga proseso na itinakda niya sa pagbili ng mga kompyuter at libro ng kagawaran. Pinansin din ng mga kongresista ang paglobo ng pondong ginagastos ng OVP, laluna sa mga “sattelite office” nito.

Ayon sa Makabayan, hindi simpleng teknikal na paglabag sa proseso ng paggastos kundi sistematikong paglulustay at pagnanakaw sa kaban ng bayan ang ginawa ni Duterte. Dapat anila patalsikin siya sa pwesto at tuluyang idiskwalipika sa paghawak ng anumang pwesto sa gubyerno.

Panawagan ng grupo na mabilis na tugunan ng Kongreso ang inihaing reklamo at matamang subaybayan ng mamamayan ang proseso. Kasabay ng panawagan para sa pagpapanagot kay Duterte ang panawagang itigil ang lahat ng confidential funds na nagiging palabigasan lamang ng mga nasa poder.