Ang panibagong ronda ng salpukan ng mga Marcos at Duterte ay salamin ng lalim ng krisis sa pulitika ng bulok na naghaharing sistema. Ipinakikita nito ang hindi maresolbang hidwaan ng mga nagriribalang pangkatin ng mga burukrata-kapitalista na pawang ganid sa kapangyarihan at mga gahamang mandarambong sa kaban ng bayan.
Nagbabantang humantong sa marahas na yugto ang tunggaliang ito sa pagitan ng dalawang pangkating kapwa lango sa kapangyarihan. Muling uminit ang hidwaan kamakailan matapos malantad ang katiwalian ni Vice President Sara Duterte sa paggamit ng higit ₱600 milyong “confidential and intelligence funds.” Sa harap ng desperasyong pagtakpan ang nabunyag na korapsyon, iwinasiwas ni Duterte ang kanyang poder nang tumangging pumailalim sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso at gumawa ng mga iligal na hakbang upang sagkaan ito.
Tahasang pinagbantaan ni Duterte ang buhay ni Marcos, asawang si Lisa at Speaker Martin Romualdez, na pawang inakusahan niyang nagbabanta sa kanyang buhay. “Pinatulan” ni Marcos ang gayong banta at pinakilos ang pulis at iba’t ibang ahensya ng estado para gumawa ng mga hakbanging ligal kontra kay Duterte. Sa harap ng lumalakas na panawagang impeachment o pagpapatalsik kay Sara Duterte, umeksena rin ang matandang Rodrigo, dating presidente, na tahasang nanawagan sa mga batang upisyal ng militar na umaksyon sa harap ng aniya’y “pamumunong bali-bali” ni Marcos. Sinasakyan ni Duterte ang mga hinaing ng bayan laban sa rehimeng Marcos at sentimyentong kontra sa imperyalismong US, upang tabunan ang pagpapahirap, pasismo at pangangayupapa noon ng kanyang rehimen sa US at China.
Lalong ginagatungan ng mga sigalot na ito ang poot ng sambayanang Pilipino sa mga naghaharing uri, partikular na sa naghaharing pangkating Marcos at Duterte. Batid na batid ng taumbayan na ang ribalang ito para sa kapangyarihan ay hindi nagmumula sa kung anong matayog na prinsipyo o adhikain, kundi sa pag-aagawan sa malaking badyet, mga kontrata sa gubyerno, kontrol at impluwensya sa militar at pulis, at iba pang pribilehiyo para sa pakinabang ng kani-kanilang pamilya at pangkat ng mga burukratang kapitalista. Kinakatawan ng mga ito ang pinakamasasahol na dinastiya sa pulitika, na inaasahang maggigirian at magbabalyahan sa darating na halalan.
Lalong tumatalim ang galit ng sambayanan sa buong naghaharing sistema dahil sa pagkakabuyangyang sa korapsyon at krimen ng mga nakaupo sa poder—kapwa ng mga Duterte at Marcos. Habang bilyun-bilyong pisong pera ng taumbayan ang araw-araw na nilulustay ng mga Marcos at mga Duterte, puu-puong milyong manggagawa, magsasaka, mga maralita, karaniwang mga kawani at maliliit na propesyunal ang araw-araw na nagdurusa sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at singil sa mga serbisyo, mababang sahod at hindi sapat na kita, kawalan ng trabaho at mapagkakakitaan, pang-aagaw ng lupa at kabuhayan, pagkalubog sa utang at iba pang mga pasanin.
Habang nagbubunuan ang mga Marcos at Duterte, dapat kumilos ang taumbayan para ipaglaban ang kanilang kapakanang pang-ekonomya, ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, papanagutin ang mga Duterte sa kanilang mga krimen sa taumbayan, at singilin si Marcos sa pakikipagsabwatan sa mga Duterte para maluklok sa poder, at sa paggamit sa terorismo ng pasistang estado para supilin ang nagbabangong sambayanan. Tuluy-tuloy na yanigin ang naghaharing rehimeng Marcos ng palaki nang palaking mga protestang bayan.
Ang pagtulak ng ilampung organisasyon sa kasong impeachment kontra kay Sara Duterte sa Kongreso ay marapat na suportahan ng malawak na sambayanan bilang pagbibigay boses sa kanilang pagkasuklam sa korapsyon at paglustay sa pondo ng bayan. Dapat itong itulak ng sambayanan laluna sa harap ng pahayag ni Marcos na huwag na itong ituloy, sa pangambang bweltahan siya ng mga Duterte. Kasabay ng pagpapatalsik sa bise presidente, dapat puspusang isulong ng sambayanan ang kasong isinampa sa International Criminal Court kontra kay Rodrigo Duterte, at itulak na siya’y arestuhin, ikulong, litisin at parusan bilang kabayaran sa kanyang mga krimen sa sangkatauhan.
Habang pinananagot si Duterte sa kanyang mga krimen sa bayan, dapat singilin ng taumbayan ang rehimeng Marcos sa usapin ng malawakang korapsyon katulad ng daan-daang bilyong Maharlika Fund, pagbawi sa nakaw na yaman ng pamilyang Marcos, pagwaldas sa bilyun-bilyong pisong “intelligence funds” at “unprogrammed funds,” walang awat na pagtaas ng presyo ng bigas, langis at mga bilihin, pagpako sa sahod, mga patakarang maka-dayuhan at anti-mahirap, at paniniil sa mga demokratikong karapatan.
Dapat mabigyang daan at anyo ang kolektibong pagpapamalas ng poot ng sambayanan sa kapwa ahas na naghaharing pangkating Marcos at Duterte. Dapat ilunsad ang mga asembliya, porum, mga talakayang bayan at iba pang anyo ng pagtitipon ng masa sa mga kampus, pabrika, mga komunidad, tanggapan, palengke, simbahan at sa iba nilang lugar ng tipunan upang magsilbing daluyan ng kilusang pag-aaral sa mga isyu at problema ng bayan, at paraan para sa paghahayag ng mga hinaing ng taumbayan.
Dapat bigkisin ang taumbayan sa iba’t ibang anyo, antas at saklaw ng mga ugnayan, alyansa at samahan. Dapat tuluy-tuloy na palakasin ang mga unyon at organisasyong masa na nagsisilbing ubod sa pagbubuo ng higit na mas malapad na pagkakaisa ng taumbayan.
Upang maging tunay na pwersa ng paglaban ang masa, kailangang mapagpasyang humakbang nang pasulong ang daan-daan hanggang libu-libong mga kadre, propagandista at organisador na mag-uukol ng lahat ng kanilang talino at kakayahan, buong-panahong lulubog sa masa at lubos na yayakap sa kanilang buhay at pakikibaka.
Kaakibat ng paglahok sa mga labanan sa kongreso, mga korte, mga ahensya ng gubyerno at iba pang larangan ng pakikibaka—at higit sa mga ito—dapat dalhin ng sambayanan ang laban sa lansangan, kung saan naipamamalas at nagagamit ang kanilang lakas na nakabatay sa kanilang malawak at matibay na pagkakaisa. Sa mga rali sa lansangan, buong-lakas nilang naihahayag ang kanilang mga hinaing, at naipaglalaban ang kanilang mga kahingian.
Ang burukratang kapitalismo, kaakibat ang imperyalismo at pyudalismo, ang bumubuo sa tatlong saligang suliranin ng sambayanang Pilipino, na pangunahing kinakatawan ngayon ng pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos. Mawawakasan lamang ang mga ito sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng armadong pakikibaka alinsunod sa estratehiya ng matagalang digmang bayan, upang kamtin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.