Masidhing galit ng bayan kay Duterte

Kung pwede lamang, sinabutan na ng kamag-anak ng mga biktima ng huwad na gera kontra-droga si Rodrigo Duterte noong humarap siya sa pagdinig sa Kongreso. Nagngitngit sa galit ang mga pamilya sa kanyang kaswal na pagtatanggol sa mga pamamaslang, paggigiit na lahat ng mga biktima ng huwad na gera ay mga “kriminal” at tahasang kawalang pagsisisi sa kinitil niyang mga buhay. Kahit hindi sila kumportableng makita at makasama siya sa isang kwarto, tiniis nila ang presensya ng dating presidente para ipamukha sa kanya na handa silang igiit sa lahat ng larangan ang kanilang panawagan para sa hustisya.

Nakadalawang beses nang humarap si Duterte sa pagdinig ng lehislatura. Noong Oktubre 28, ginamit niyang entablado ang pagdinig sa Senado para magngawa nang ilang oras nang halos walang kumukontra. Katuwang ang kapwa niya akusadong mga senador, siniraan niya ang mga nagsiwalat sa brutalidad at kabulukan ng huwad na gera kontra-droga. Muli niyang tinangkang gawin ito sa Kongreso noong Nobyembre 13. Sa parehong pagdinig, inako niya ang “ligal at moral na pananagutan” sa huwad na gera sa droga. Inamin niya ang pag-iral ng death squad sa Davao noong alkalde pa siya, pagpondo sa mga operasyon ng mga pulis, pagtatalaga ng upisyal para mamuno sa grupong sinasabing nagpataw ng “modelong Davao” ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa pambansang saklaw, pagpatay ng “6-7 katao” at marami pang iba. Pero nang tanungin siya kaugnay sa mga partikular na mga kaso, wala siyang maalala, matandaang pangalan at pakialam.

Ang pagdidilang-ahas ni Duterte ay insulto hindi lamang sa mga pamilya ng mga biktima at kaharap niyang mga kongresista, kundi sa sambayanan. Pinaikot niya ang mamamayan sa mga salitang ligal para itanggi ang personal na pananagutan. Hinamon pa niya ang International Criminal Court (ICC) na arestuhin na siya bago siya mamatay pero pagkatalikod, mariin niyang iginiit na walang awtoridad ng korte sa bansa at hindi niya ito kinikilala. Sa kabila nito, walang dudang napatunayan na ang mga pagpatay sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga ay patakaran ng kanyang rehimen. Lahat ng kanyang mga pagngangawa sa Senado at Kongreso ay maaaring gamitin ng ICC para mapanagot siya sa krimen laban sa sangkatauhan, ayon sa mga abugado.

Panawagan ng mga abugado, mga demokratikong grupo at grupo sa karapatang-tao, siyasatin ng mga kongresista kung saan nanggaling ang pondong ipinanggantimpala ni Duterte sa mga pulis at death squad sa naisiwalat na “reward system” o sistemang pabuya. Idiniin nila ang pagbulatlat sa paggamit ni Duterte sa hawak niya noon na napakalaking confidential and intelligence funds. Sang-ayon din sila sa panukala ng isang dating senador na pagbubukas sa mga bank account ng pamilyang Duterte para makita ang pagdaloy ng panunuhol ng mga drug lord na Chinese sa kanila.

Sa mahabang laban para sa hustisya, hindi inasahan ng mga pamilya ng biktima na magkakaroon ng panahong iimbestigahan ito sa Senado at Kongreso. Pero tanong nila, ngayong dumarami na ang nagtatanong, bakit nananahimik Ferdinand Marcos Jr at napakatagal bago sila bigyan ng suporta?

Sapat-sapat na ang ebidensya para kasuhan at usigin ng estado si Duterte, anila. Ang tungkuling ito ay hindi dapat nakaatang lamang sa mga pamilya ng mga biktima. Iginiit din nila ang pagkilala sa awtoridad at imbestigasyon ng ICC na handa nang maglabas ng mandamyento de aresto laban sa dating presidente at kanyang mga kasapakat. Dapat nang bumalik ang bansa sa ICC para mapabilis ang proseso, anila.

Hinimok ng mga grupo ang Kongreso na imbestigahan ang daan-daan pang mga ekstra-hudisyal na pamamaslang sa utos ni Duterte laban sa mga unyonista, aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao. Ang mga pulis at upisyal na sangkot sa gera kontra-droga ay sila ring sangkot sa mga ito. Sa darating na mga pagdinig, isasalang ang mga kaso ng pamamaslang sa siyam na aktibista sa Southern Tagalog sa tinaguriang “Bloody Sunday Massacre.”

Sa mga araw ng pagdinig kung saan pangunahing paunahin si Duterte, nagsagawa ang mga demokratikong grupo, kasama ang mga pamilya ng biktma, ng mga pagkilos para ipanawagan ang pagkukulong sa kanya.