Ipinawalang-sala ng mga korte sa Negros Occidental ang siyam na aktibista na inaresto ng mga pwersa ng estado noong 2019 at 2022 sa mga kasong kriminal. Inatasan ng korte ang mga pulis na palayain na ang mga biktima mula sa ilang taong pagkakakulong.
Noong Nobyembre 18, ibinasura ang kasong pagpatay at bigong pagpatay laban kina Pastor Jimie Teves, Jodito Montesino, Jaypee Romano, Jasper Aguyong, Rogen Sabanal, Eliseo Andres, at Rodrigo Medez. Ang pito ay inaresto sa Himamaylan City noong Hunyo 2019. Idinawit sila sa isang armadong engkwentro ng BHB at sundalo ng AFP sa Kabankalan City noong Mayo 2018.
Noong Nobyembre 13, nakalaya sina Carmen Jonahville (CJ) Matarlo at John Michael Tecson matapos ibasura ng korte ang mga kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa kanila. Inaresto ang dalawa noong Marso 18, 2022 kasama ang konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines na si Ramon Patriarca sa Barangay Suay, Himamaylan City.