Mariing kinundena ng Bagong Hukbong Bayan-Camarines Norte (Armando Catapia Command) ang panggagahasa ng mga sundalo ng 16th IB sa di bababa sa tatlong kababaihan sa prubinsya noong nakaraang mga buwan.
Isa sa mga biktima ang 21-anyos na babae na taga-Barangay Bagong Silang 3. Alinsunod sa kanyang salaysay, inabutan siya ng tatlong elemento ng 16th IB na nag-iisa sa kanyang bahay noong Setyembre. Sapilitang pinasok ng isa sa mga sundalo ang bahay at ginahasa siya habang nagsilbing “lookout” sa labas ang dalawa.
Noong Oktubre 7, isang babae naman na taga-Barangay Bagong Silang 2 ang ginahasa ng mga sundalo. Ayon sa biktima, tinangka niyang labanan ang lango sa alak at droga pero hindi siya naging matagumpay. Matapos ang krimen, ninakaw pa sa kanya ang ₱2,000 niyang pera.
Noon ding Oktubre, isang estudyante ng Barangay Daguit ang ginahasa ng mga elemento ng nasabing batalyon habang papunta sa kanilang linang.
Ayon kay Ka Carlito Cada, tagapagsalita ng ACC, ang mga panggagahasa ng 16th IB ay hindi na bago dahil dati nang kilala ang batalyon sa karahasan sa kababaihan noong unang ipinakat ito sa prubinsya.