Pasanin ng kabataang manggagawa: Walang trabaho, di nakabubuhay na kita

Nagtapos ng kursong BA Communications si Pangolin, 22, sa isang pribadong unibersidad sa Southern Tagalog noong Hulyo. Apat na taon siyang kumayod para sa pangarap niyang maging photojournalist. Limang buwan matapos nagmartsa para tanggapin ang kanyang diploma, wala pa rin siyang trabaho. Para makaagapay sa kanyang mga gastusin, tumatanggap siya ng mga “commission” at nagtatrabaho nang dalawang beses kada linggo bilang “chat assistant” sa website ng isang kumpanya. Sa kanya ang gastos sa internet, laptop at kuryente.

Kumikita lamang siya ng ₱300-₱600 kada kumisyon at hanggang ₱2,000 bilang chat assistant, depende sa naibenta niyang produkto. Walang regularidad ang trabaho, mga benepisyo o anumang seguridad ang pinasok niyang kaayusang work-from-home.

Ang kalagayan ni Pangolin ay karaniwan sa kabataang manggagawa. Noong Hulyo, nasa 1.02 milyon o 43% ng kabuuang bilang ng mga walang trabaho ay kabataan, edad 15-24, ayon sa dinuktor na estadistika ng reaksyunaryong estado. Sa buwang iyon, iniulat ng Philippine Statistics Authority na 14.8% ang tantos ng disempleyo ng kabataan, kumpara sa 4.7% na pambansang abereyds. Samantala, 12.1% ang tantos ng kabataang kulang sa trabaho sa parehong panahon.

Deka-dekada nang mas mataas ang tantos ng disempleyo ng kabataan kumpara sa pambansang abereyds. Ito ay dahil walang mga industriya para lumikha ng sapat na trabaho para saluhin sila. Ang nalikhang bagong mga trabaho sa Pilipinas, kung meron, ay pawang mababang kalidad at temporaryo. Taun-taon, dumadagdag ang kanilang bilang sa dambuhalang hukbo ng mga walang trabaho.

Nananatiling mataas ang tantos ng disempleyo ng kabataan kahit paliit nang paliit ang bilang ng kabataang isinasama sa pwersa ng lakas paggawa. Sa nakaraang 15 taon (mula 2009), bumagsak tungong 34.4% (mula 45.6%) ng mga Pilipinong edad 15-24 ang binibilang sa pwersa ng paggawa ng bansa. Karaniwang sinasabi na hindi kabilang sa pwersa ng paggawa ang mga estudyante o nagsasanay. Subalit lumalabas sa datos na halos 3 milyon sa mga hindi kabilang sa pwersa ng paggawa ay nasa kategoryang NEET (not in education, employment or training) o hindi nag-aaral, nagtatrabaho o nagtetreyning. Noong 2022, halos apat na milyong kabataan ang nakapaloob sa kategoryang ito. Marami sa kanila ay mula sa pinakamahihirap na pamilya, kung saan 25% ng kabataan ay hindi nag-aaral at wala ring mapasukang trabaho. Noong 2018, isa sa bawat dalawang kabataang kababaihan na nakatuntong ng hayskul ay NEET. Bulnerable ang mga kabataang ito sa matagalang disempleyo at matinding kahirapan.

Samantala, mayorya sa kabataang may trabaho ay nasa tinatawag na mga elementary occupation (40%) o mga trabahong simple at de-rutina na nangangailangan ng pisikal na paggawa at minimal na pagsasanay. Ito ay sa kabila ng sinasabing pagtaas ng naabot na edukasyon ng maraming kabataan dahil sa implementasyon ng K-12.

Isa sa kabataang ito si Ian, 22 anyos at taga-Sorsogon, na gumradweyt ng K-12 noong 2020. Naging kwalipikado siya para sa National Certificate Level 1 in Automotive Servicing ng TESDA. Pero apat na taon mula nang siya’y nagtapos, nananatiling pangarap ang kanyang inaasam na maging mekaniko sa isang kasa (malaking talyer). Dahil walang ganoong oportunidad, namasukan siya sa isang pabrika na nagpapasahod ng ₱520/araw. Kontraktwal at wala siyang seguridad at mga benepisyo.

“Pampagkain lang nang tatlong beses kada araw (₱150) at balikan na pamasahe (₱50) ang sahod ko,” aniya. “Pag ikaltas pa ang upa sa bahay at bayad sa tubig, halos wala na (akong) naipapadala sa pamilya.” Kung naging mekaniko siya alinsunod sa kanyang tinapos, maaari sana siyang kumita nang hanggang ₱1,000/araw.

Kawalan rin ng oportunidad sa trabaho ang problema ni Shein, nagtapos ng arkitektura noong Oktubre sa isang pampublikong unibersidad sa Metro Manila. Para kumita, nag-oorganisa siya ng mga pagtitipon kung saan nagbebenta siya ng kanyang mga obrang sticker at larawan.

Alinsunod sa kursong natapos niya, kwalipikado na siyang maging junior architect o architectural apprentice na may entry-level na sahod na ₱20,000-₱22,000 kada buwan. Sa halagang ito, tantya niyang kaya na niyang bumukod at buhayin ang sarili. “Wala naman akong sinusuportahang pamilya pero gusto ko rin sanang makapagbigay ng alawans sa kapatid kong nag-aaral pa,” aniya.