Ginunita ng iba’t ibang organisasyon ng mga manggagawang bukid, kabataan, at taong simbahan ang ika-20 anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16. Tampok sa paggunita ang pagbibigay-parangal sa mga martir ng welga at ang mga pinaslang na sumusuporta sa laban ng mga magbubukid tulad nina Bishop Alberto Ramento at Fr. William Tadena ng Iglesia Filipina Independiente (IFI), Ricardo Ramos, Marcelino Beltran, Abel Ladera, at iba pa.
“Masakit pa rin sa kalooban ang pag-alala sa masaker kahit 20 taon na ang nakalipas,” saad ng isang myembro ng Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita (AMBALA).
“Sa 20 taon, umabot na ng 20 ang nagbuwis ng buhay sa paglaban para sa lupa, hindi natin ito sinasayang, bagkus, ang dinilig nilang dugo, ngayon ay nagbubunga ng bagong mga henerasyon ng magpapatuloy at magtitiyak ng tagumpay ng ating laban,” pangako ng isang lider ng AMBALA. Pito sa mga namartir ay namatay sa mismong araw ng masaker at 13 sa sumunod na mga taon ng paglaban.
Noon pang 2012 naging pinal ang desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang halos 5,000 ektarya sa 6,453 ektaryang kabuuan ng asyenda. Sa harap nito, walang awat ang pagmamaniobra ng pamilyang panginoong maylupang Cojuangco-Aquino, gamit ang mga korte, batas, pusisyon nila sa gubyerno, at ang militar, pulis at iba pang mapaniil na ahensya ng estado para pigilan ang pamamahagi ng lupa. Kasabwat ang magkakasunod na rehimen, ipinailalim ng pamilya sa iba’t ibang iskema ng kumbersyon ang lupa at pinapasok ang bagong mangangamkam tulad ng mga Floreindo at Aboitiz.
Pinakahuli sa mga maniobra nito ang pagkansela ng rehimeng Marcos Jr sa Notice of Coverage na inilabas ng Department of Agrarian Reform noong 2014 na sumaklaw sa 318 ektarya na inagaw ng Tarlac Development Corporation ng mga Cojuangco. Bahagi ang lupa sa inaagaw ng pamilyang Ayala na 588 ektaryang balak nitong ikumbert sa komersyal na espasyo. Noong 2019, sinimulan nitong idemolis ang mga bahay ng magsasaka sa Barangay Central sa asyenda. Nasa 987 pamilya ang nakaambang palayasin ng proyekto.
Pagbawi sa mga tagumpay, patuloy na paglaban
Walang awat ang karahasan laban sa mga magbubukid. Kahit ang paggunita noong Nobyembre 16 ay tinangka ng militar, pulis, lokal na pamahalaan at NTF-Elcac na harangin. Ayon sa AMBALA, Hulyo pa nila ipinagpaalam at pinareserba ang covered court na pagdadausan sana ng pagtitipon, pero biglang naglunsad ng ‘medical mission’ ang 3rd Mechanized IB kasama ang isinukang traydor na lider ng AMBALA at ahente ng NTF-Elcac na si Florida Sibayan.
“Itong si Florida Sibayan, …pinagkakitaan ang mga kasapi ng AMBALA at mga karaniwang manggagawang bukid. Kunyaring magbibigay ng relief, papipirmahin at ipiprisenta bilang surrenderee na NPA (New People’s Army). Para saan? Para sa reward. Ganyan kababaw ang pagkatao ng traydor na yan,” sabi ng isang lider ng AMBALA.
Pagkatapos ng aktibidad, inulat ng mga residente na nagbahay-bahay ang mga sundalo ng 3rd MIB, kasama si Sibayan, para takutin ang mga lumahok sa paggunita. Isa sa tinarget ang kabataang si RV Bautista, myembro ng Samahan ng mga Kabataang Demokratiko ng Asyenda Luisita (SAKDAL), na anila’y nakunan siya ng militar ng bidyo na kalahok sa aktibidad. Bago nito, isang magsasaka mula sa Asturias, Hacienda Luisita ang pinagtatanong ng militar kung sinu-sino ang dumalo sa paggunita.
Sa kabila nito, mariin ang paninindigan ng mga magbubukid na tanganan ang naging mga tagumpay sa nakaraan at ipagpatuloy ang laban.
“Kahit anong panggigipit pa ang gawin nila, hangga’t umiiral ang batayan ng magbubukid para lumaban, magpapatuloy pa rin kami at ang mga kabataang tatangan ng laban,” saad ng isang lider ng AMBALA.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mga bungkalan ng mga magbubukid sa iba’t ibang bahagi ng asyenda para ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa.