Sa magkasunod na pananalanta ng Bagyong Kristine at Leon, labis ang naiwang pinsala sa mga magsasaka, mangingisda at maralitang lunsod. Tulad sa nakaraan, muling nalantad ang kainutilan ng rehimeng Marcos sa paghahanda sa pagsalanta ng bagyo at mahihinang pampublikong imprastrukturang batbat ng korapsyon.
Liban dito, binabalewala at nilalabusaw rin ni Marcos na bunga ito ng patung-patong nang pagkawasak sa kapaligiran. Patuloy niyang pinapaboran ang walang humpay na pagtotroso at pagmimina, mga proyekto ng dam at iba pang imprastruktura, reklamasyon ng lupa, at konstruksyon ng real estate na sanhi ng pagkasira.
Malawak na pagkasira
Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hindi bababa sa 8.7 milyong Pilipino o 2.2 milyong mga pamilya sa 12,192 barangay sa 17 rehiyon ang sinalanta ng magkasunod na bagyo. Napilitang magbakwit ang 748,991 katao. Marami sa kanila ay nananatili sa mga sentro ng ebakwasyon.
Nasa kabuuang 211 syudad at munisipyo na ang nagdeklara ng “state of calamity” dulot ng pinsala. Naitala ang pagkasawi ng 150 katao, habang 134 ang nasugatan at 20 pa ang nawawala.
Sa malakas na pagbuhos ng ulan, naging malinaw ang kawalang kahandaan at kakulangan ng ipinwestong mga kagamitan at ayuda para kagyat na masaklolohan ang mga lugar na nalubog sa baha. Sa Bicol, ikalawang araw pa lamang ng walang awat na pag-ulan dulot ng Bagyong Kristine ay inianunsyo na ng Regional DRRMC na ititigil nito ang mga pagsisikap sa pagsagip dahil hindi na kaya ng gamit at tauhan nito ang lawak at tindi ng pinsalang idinulot ng bagyo.
Inilantad ng bagyo ang reyalidad ng mahihinang daan, tulay at imprastrukturang itinayo ng gubyerno sa rehiyon. Dahil sa pagkasira ng daan-daang mga kalsada at mga tulay, marami ang hindi kaagad natulungan at napasok ng mga nais magbigay ng tulong.
Sa nagdaang mga linggo, kabi-kabila ang pakitang-taong pagbisita ni Marcos sa mga naapektuhan ng bagyo sakay ng kanyang helikopter at magagarang kotse. Sinasamantala rin ng mga burukratang kapitalista ang sitwasyon para magbulsa ng limpak-limpak na ganansya at magpakitang-gilas bilang paghahanda sa nalalapit na eleksyong 2025.
Sa sektor ng agrikultura, hindi bababa sa ₱6.4 bilyon ang naiulat na danyos noong Nobyembre 6. Gayunman, kakarampot na ₱600 milyon ang ipagkakaloob ng Philippine Crop Insurance Corporation sa mga magsasakang apektado ng salanta. Malaon nang reklamo ng mga magbubukid ang kulang na kulang na seguro at pahirapang proseso ng pagpaparehistro.
Kolektibong paniningil
Para singilin ang rehimeng Marcos sa responsibilidad nito sa harap ng sakuna, sumugod at nagprotesta ang mga magsasaka at mangingisda sa Department of Agriculture sa Quezon City noong Oktubre 29. Kasama ang mga grupong nagtatanggol sa kalikasan, nagtungo rin sila sa Department of Environment and Natural Resources para papanagutin ang kagawaran sa papel nito sa pagwasak sa kalikasan.
Anila, hindi na sapat ang pana-panahong ayuda na bukod sa kakarampot ay hindi sinasaklaw lahat ng apektado. Giit nila ang pangmatagalang kompensasyon sa porma ng bayad-pinsala at rehabilitasyon ng mga nasirang sakahan, komunidad, at pook-pangisdaan mula sa rehimeng Marcos.
Lumahok sa pagkilos ang muling-tatag na People Surge, pambansang alyansa ng mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga nakaligtas sa mga sakuna. Ang alyansa ay makasaysayang itinatag at malawakang nagpakilos noong panahon ng superbagyong Yolanda sa panahon ng rehimeng Aquino II.
Nanawagan ang Koalisyong Makabayan sa rehimeng Marcos na itatag ang isang “State Compensation Fund” para magbigay ng direktang suportang pampinansya para sa mga naapektuhan ng bagyo laluna ang mga magsasaka.
Anito, maiging gamitin ang ₱10.29 bilyong badyet na CIF, kung saan ₱4.5 bilyon ang dirketang hawak ni Marcos para mamahagi ng libreng binhi, pataba, kagamitan sa mga magsasaka at subsidyo para sa mga nasirang imprastruktura at imbentaryo para sa maliliit na negsosyo.