Sa isang larangan sa Masbate, mahalaga ang ginagampanang papel ng pahayagang Ang Bayan (AB) sa konsolidasyon ng Hukbo at baseng masa.
Ayon kay Ka Louie, giyang pampulitika sa isang yunit ng naturang larangan, malaki ang papel ng AB sa pagbibigay ng pampulitikang edukasyon sa Hukbo at masa.
“Bahagi ng programa sa edukasyon ng aming yunit ay ang mga discussion group (grupong pantalakayan o DG). Layunin ng mga DG na sanayin ang mga kasama sa pagtatalakay at pagpopropaganda.
Isinasalang ng yunit nina Ka Louie sa talakayan ang bawat isyu ng AB, pati mga isyu ng Silyab, Ang Kusog, pahayag o polyeto at iba pang maiikling dokumento. “Sa yunit, kumpleto naming napag-aralan ang mula 2023 hanggang ngayon. Binabalikan din namin ang ilang lumang artikulo ng AB na akma sa mga usaping kinakaharap ng yunit,” aniya. Isa rito ang artikulong “Linyang Masa sa Gawaing Rekoberi sa Leyte,” pinag-aaralan nila laluna at nasa sitwasyong rekoberi sila sa saklaw ng kanilang operasyon.
“Malaking hamon para sa amin ang pagtataas ng pampulitikang kamulatan, laluna sa kabataang bagong pultaym na babad sa Tiktok, Facebook, Mobile Legends at iba pang impluwensya ng neoliberal na kultura. Kailangan ang AB para updated at itaas ang interes ng mga kasama sa pag-alam sa kasalukuyang sitwasyong pampulitika at dahan-dahan silang sanayin sa pangangailangang ipaunawa ito sa masa,” pagbabahagi niya.
Sa sitwasyon na palagiang makilos ang kaaway, makabuluhan ang naiaambag ng AB sa mabilisan at makilos na mga pag-aaral pampulitika sa masa. Ani Ka Louie, may mga pagkakataon na kailangang matapos ang pag-aaral, pagbubuo at pagpaplano ng mga organisasyong masa sa loob lamang ng maghapon. Liban sa istagard na mga batayang pag-aaral sa Pambansa Demokratikong Paaralan, nagagamit ng yunit ang AB sa katulad na mga sitwasyon.
“Madali ring isingit ang AB sa palagiang pagka-abala ng masa sa produksyon,” aniya.
Aniya, mula huling kwarto ng 2023 hanggang ngayong Oktubre, nairaos ang 37 na bats ng pagtalakay ng AB, karamiha’y sa mga kabataan.
Sa kabila ng gipit nilang sitwasyon, patuloy na nakakahanap ang mga kasama ng makakayanang mga paraan para pangibabawan ang limitasyon sa pagpapalaganap ng AB at iba pang materyales sa propaganda.
“Bago ang pananalasa ng RCSP, nakakayanan naming makapag-repro (makapagparami) ng ilampung libong kopya, AB man yan o iba pang dokumento. Sa kasalukuyang todong opensiba ng kaaway ay hindi pa talaga naibabalik sa ganoong antas ang sigla ng distribusyon. Subalit hindi kami tumitigil sa pagpupursige batay sa maipapahintulot ng kalagayan.”
Sa kalagayang mahirap makapag-imprenta, naging remedyo ng mga larangang gerilya ang pagpapalaganap ng mga kopyang digital ng AB gamit ang smartphone. “Kailangang makaagapay sa nagbabagong panahon, lalupa’t marami sa masang kabataan sa kasalukuyan ang gumagamit ng Android. Syempre, may pagtitiyak sa mga protokol sa seguridad sa paggamit ng elektronikong gadgets.”
Gamit ang mga file sharing app, pinapasahan ng mga kasama ang masa ng mga dokumento. “Sila na rin ang pinakikisuyuan namin magpalaganap sa kanilang mga kapitbahay o kababaryo,” kwento ni Ka Louie. “Malaking bonus kung makalugar ang mga napasahang kasapi ng sangay, panggitnang pwersa o organisasyong masa na makapagsagawa ng kolektibong pagbabasa.”
Sa pagsisikap ng mga kasama at masa sa isang larangan, nakakapagpalaganap sila ng libu-libong kopya ng AB, pareho sa anyong inilimbag at digital copy mula 2023.
Ang pagtataguyod sa AB bilang pahayagan ng Partido ay tungkulin ng bawat rebolusyonaryo. Katulad ng ibang rebolusyonaryong gawain, ginagabayan ito ng mga prinsipyong Marxista-Leninista-Maoista. Para kay Ka Louie, pinanghahawakan niya sa tungkuling ito ang diwa ng materyalismo diyalektika. “Lahat ng may problema may solusyon. Kung ayaw may dahilan, kung gusto palaging mayroong paraan,” aniya. “Paano mo malalaman kung hindi mo susubukan? Sa sitwasyon ng pagrekober at pagbangon, sa ganitong diwa namin inuunawa at pinanghahawakan ang MD.”
Para sa kanya, ang pag-aaral at pagpapalaganap ng Ang Bayan ay isang paalala sa batayang Marxistang prinsipyo na ito. “Abante batay sa makakayanan. Payt lang!”