Download here: PDF
Lantad na palatandaan ng pagkubabaw ng imperyalismong US sa Pilipinas ang hayag na panunumbalik mga base militar nito sa bansa at walang awat at papalaking war games sa kalupaan, karagatan at kahanginan ng bansa. Lalo nitong pinahihigpit ang kontrol ng imperyalismong US sa neokolonyal na estado ng Pilipinas laluna sa papet na Armed Forces of the Philippines (AFP).
Isang dekada na ngayong taon ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ang tratadong muling nagpahintulot sa mga base militar ng US sa bansa. Tulad ng naunang tagibang na kasunduang Military Bases Agreement, binigyang laya nito ang pagtatayo ng militar ng US ng mga base at pasilidad sa Pilipinas upang magpwesto ng mga tropa, at maglagak ng mga armas at kagamitang pandigma.
Sa loob ng 10 taong pag-iral ng EDCA, hindi bababa sa siyam na base militar ang itinayo ng US na bawat isa’y tahasang yumuyurak sa soberanya ng bansa. Palatandaan ang mga ito na hindi tunay na malaya ang bansa, at wala itong independyenteng patakarang panlabas. Dala ng mga ito ang panlipunang inhustisya at kapahamakan. Ang mga base militar na ito rin ang pinakamalalaking lunsaran ng mga war games na pumipinisala at nagpapahamak sa mamamayang Pilipino.
1) Ano ang EDCA?
Ang EDCA ay isang kasunduang pandepensa sa pagitan ng gubyerno ng US at Pilipinas na kadugtong ng Mutual Defense Treaty (MDT) at PH-US Visiting Forces Agreement (VFA). Pinirmahan ito ni dating Philippine Defense Secretary Voltaire Gazmin at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg sa Maynila noong Abril 28, 2014. Iniregalo ng noo’y rehimeng Aquino II ang pirmadong tratado kay dating US Pres. Barack Obama nang bumisita siya sa bansa.
Ang kasunduan ay mayroong inisyal na 10 taong bisa, na awtomatikong magpapatuloy kung hindi ibabasura ng anumang panig. Nag-umpisa ang negosasyon para sa EDCA noong Agosto 2013 at dumaan sa walong serye ng talakayan. Ang naunang pangalan ng kasunduan ay Increased Rotational Presence Framework Agreement o pagpapadalas ng “pagbisita” ng mga tropang Amerikano sa ilalim ng VFA. Ipinagpalagay ng imperyalismong US na makitid ang ganoong balangkas kaya mas pinasaklaw para bigyang-daan ang mas permanenteng presensya ng mga tropa nito sa bansa.
Ang kasunduan ay itinuturing ng Pilipinas at US bilang “kasunduang pang-ehekutibo” at hindi isang pormal na tratado. Taktika ito ng dalawang gubyerno para ikutan ang pangangailangang dumaan at ratipikahin ng kani-kanyang senado ang kasunduan.
Sa ilalim ng EDCA, pinahihintulutan ang base militar ng US sa Pilipinas kung saan tahasang walang kontrol ang gubyerno ng bansa sa mga aktibidad ng mga sundalong Amerikano dito.

2) Ilan na ang “EDCA site” o base militar ng US sa Pilipinas?
Batay sa Artikulo III, Seksyon 1 ng kasunduan, isinasaad na maaaring magsagawa ang mga pwersa ng US ng “mga pagsasanay; paglilipat; pagsuporta at kaugnay na aktibidad; pagkakarga ng gas sa sasakyang pamhimpapawid; pagpondo ng mga sasakyan; pansamantalang pagmamantine ng mga sasakyan, barko at eroplano; pansamantalang akomodasyon ng mga tauhan; komunikasyon; pagdedeploy ng pwersa at kagamitan; at iba pang aktibidad na mapagkakasunduan ng mga Partido.” Maaari ring magtayo ang US ng mga pasilidad na kakailanganin nito para sa pagbabahay ng mga tropa at ng kanilang mga armas at kagamitan.
Sa kasalukuyan, mayroong siyam na deklaradong “EDCA site” o base militar ng US sa Pilipinas. Naunang inaprubahan ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) ang limang base noong Marso 19, 2016. Kabilang sa mga ito ang Cesar Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airport sa Cagayan De Oro; Antonio Bautista Airbase sa Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base sa Cebu.
Dinagdagan ng MDB-SEB ang mga “EDCA site” noong Pebrero 2023 sa ngalan ng “paghahanda” sa “banta ng China.” Ang mga ito ay ang Naval Base Camilo Osias sa Santa Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac Island sa Palawan.
Sa hiling ng US, maaaring “pagkasunduan” na gawing “EDCA site” ang anumang publiko at pribadong lupain sa bansa. Samakatuwid, ang Pilipinas ay magsisilbing isang malaking base militar ng imperyalismong US. Ang pagtransporma sa bansa bilang base militar ay kadugtong ng mga base nito sa South Korea at Japan.
Sa isang dekada, iniulat ng gubyerno ng US na umabot sa $109 milyon ang inilaan ng Department of Defense nito para sa mga proyektong imprastruktura sa mga “EDCA site.” Pinakamalaking gastos dito ang inilaan sa pagpapaunlad sa “EDCA site” sa Basa Air Base. Nagbuhos dito ng higit $59 milyon para sa isang warehouse, imprastruktura para sa command and control, fuel storage at aircraft parking.
Para sa 2025, naglaan naman ang rehimeng Biden ng $128 milyon para sa planong 36 bagong mga proyekto sa EDCA sites. Ang gastos ng imperyalismong US sa mga pasilidad o istrukturang itinayo posibleng singilin sa gubyerno ng Pilipinas batay sa “konsultasyon” sa panahong iiwan na ito ng mga sundalong Amerikano taliwas sa sinasabing awtomatikong pag-aari na ito ng Pilipinas. Dagdag pa dito ang gastos mismo ng gubyerno ng Pilipinas gamit ang pondo ng mamamayang Pilipino.
3) Bakit mayroong sundalo at armas ng US labas sa “EDCA site”?
Pinahihintulutan ng EDCA na gamitin ng US anumang oras ang mga kalsada, paliparan at daungan at iba pang mga sibilyang pasilidad, saan man sa Pilipinas. Sa Art. III, Sek.2, isinasaad na “Kung hiningi, tutulungan ng mga tinukoy na awtoridad ng Pilipinas ang pagtiyak ng pagdaan o pansamantalang akses ng mga pwersa ng US sa mga lupang pampubliko at mga pasilidad (kabilang ang mga kalsada, daungan at paliparan), kabilang yaong pag-aari o nasa kontrol ng lokal na gubyerno, at iba pang lupa at pasilidad.” Ginagamit ngayon ang terminong “pansamantala” para pahintulutan ang pagpapagamit sa mga pwersang US sa mga lugar na kahit wala sa listahan ng upisyal na “EDCA site.”
Mayroong lumilitaw na hindi bababa sa walo pang hindi deklarado o sikretong base militar ng US sa Pilipinas kung saan matagalang nakapondo ang mga tropang Amerikano at mga armas at kagamitang pandigma nito. Ang iba sa mga ito ay mayroong naiulat na itinayong mga imprastruktura para sa mga sundalong Amerikano. Sa ilang lugar naman, bagaman walang upisyal na pag-amin na ginagamit ng US ay madalas kinakikitaan ng mga tropang Amerikano, sasakyang militar at mga armas. Nabibigyan ng akses ang imperyalistang US sa mga ito sa bisa ng EDCA.
Ilan dito ang sumusunod:
Subic, Zambales
Isa sa di upisyal na “EDCA site” ang Subic Bay Freeport (SBF), ang dating pinakamalaking base militar nito sa Asia, na nagsisilbi ngayong talyer ng mga barkong pandigma ng US. Matatagpuan dito ang Subic Drydocks Corporation, buong pagmamay-ari ng Cabras Marine Corporation, na nangangasiwa sa mga pasilidad ng dry docks ng US Navy. Sa Enero-Hulyo 2024, kinumpuni ng SDS ng 30 barko ng US Navy. Isa rito ang USNS Millinocket na ipinailalim sa “overhaul” sa Subic mula Enero 29 hanggang Hulyo 31 o sa loob ng 183 araw. Kinumpuni rin nito ang ocean surveillance vessel na USNS Victorious sa loob ng 85 araw at ang USS Manchester sa loob ng pitong araw.
Labas sa mga dry dock, pagmamay-ari ng Cerberus Capital Management LP ang iba pang pasilidad sa SBF. Ang kumpanyang ito ay malawak na pamumuhunan sa mga kumpanya sa depensa ng US tulad ng M1 Support Services para sa mga eroplanog pandigma ng US Air Force, Navistar Defense, tagagawa ng mga sasakyang pangmilitar at Tier 1 Group na nagsasanay ng mga mersenaryo.
Ilocos Norte
Pangunahing ginagamit ng US sa mga war games at imbakan ng armas ang hedkwarters ng 4th Marine Brigade Landing Team sa Camp Cape Bojeador Military Park sa Barangay Bobon, Burgos, Ilocos Norte. Ang hedkwarters ay itinayo sa barangay noong 2022. Sumasaklaw ito sa 30 ektaryang lupain sa baybay ng barangay at direktang nakatanaw sa South China Sea at Taiwan Strait. Mayroon itong pader na 800 metro ang haba, kapal na 15 metro at pundasyong apat na metro pataas at walong metro pailalim. Pinaniniwalaang ginagamit ang hedkwarters para manmanan ang galaw ng China sa atas ng imperyalismong US.
Liban dito, ginamit ng US ang Laoag City Airport bilang refueling station ng US Marine Corps. Sa nasabing airport din ipinusisyon ng US Army Pacific Command ang ground-based na missile system na Typhon Mid-Range Capability na ginamit sa Balikatan Exercises 2024. Naunang inanunsyo na tatanggalin ito ng US noong Setyembre ngunit walang-paliwanag itong pinanatili sa sibilyang paliparan. Ilang ulit nang nagpahayag ng babala ang China at Russia sa presensya ng missile system na ito sa Pilipinas, na una at nag-iisa sa rehiyon ng Asia.
Cagayan Valley
Dagdag sa dalawang “EDCA site” sa Cagayan Valley, naglalagi ang mga tropang Amerikano sa maraming bayan sa rehiyon.
Sa Batanes, mayroong itinayong “Humanitarian Assistance Disaster Response (HADR) warehouse” ang US sa bayan ng Itbayat. Ang warehouse ay pinondohan ng US at itinayo katuwang ang mga sundalo ng AFP. Ginagamit ito ng 3rd Marine Expeditionary Forces ng US at Joint United States Military Advisory Group para sa “HADR mission” pagkatapos ng sakuna. Mayroon ding detatsment na pinaglalagian ng US sa Mavulis Island, Itbayat. Hinukay ang paligid ng pyer ng Basco para makapagdaong ang malalaking barko nabal ng US.
Sa Cagayan naman, ginagamit nito ang mga pasilidad ng AFP sa Calayan Island, Calayan at Fuga Island sa Aparri. Gumagamit rin ng iba pang pasilidad ang mga sundalo ng US sa bayan ng Lal-lo, labas sa Lal-lo Airport na isang “EDCA site.”
Aurora
Tuluy-tuloy ang transpormasyon ng sibilyang pasilidad na Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO) sa Casiguran, Aurora tungo sa pasilidad para sa militar ng US at mga Amerikanong kumpanya sa armas. Noong 2019, nakipagkasundo ang noo’y rehimeng Duterte sa US para sa konstruksyon ng isang daungang pangmilitar sa Casiguran na kunwa’y gagamitin ng Philippine Navy. Ang naturang proyekto (Casiguran Port Construction Project) ay nagkakahalaga ng ₱1.3 bilyon.
Kasabay nito, nasangkot ang US sa pagpapaunlad ng paliparan na nasa loob ng sonang pang-ekonomya. Noong 2020, naibalitang interesado ang US sa pagtatayo ng isang drone base dito bilang bahagi ng pagpapalakas ng presensyang militar nito sa rehiyon. Napabalita rin ang pagpasok ng Amerikanong kumpanyang Newark para higit pang “paunlarin” ang daungan at ihanda ito sa pagpasok ng mga Amerikanong kumpanya sa armas sa Apeco.
Karugtong ang pagpapaunlad ng daungan at paliparan sa balak ng US na gawing “logistics hub” ang 1,300-ektaryang sonang pang-ekonomya. Noong Setyembre, pormal na idineklara ang APECO bilang “national defense hub” o pasilid na maaaring lagakan ng tropa, gamit-militar, sistema ng komunikasyon at iba pa. Sinabi rin ni Sec. Gilbert Teodoro ng Department of National Defense (DND) na plano ng AFP na magtayo ng kampo militar mismo sa loob nito.
Catanduanes
Sa Catanduanes, naiulat ang planong pagtatayo ng baseng nabal sa Long Range Navigation o Loran Station sa bayan ng Bagamanoc. Ayon sa mga residente, tiyak silang gagamitin ito ng mga sundalo ng US bilang isang himpilan para sa mga barko at armas pandigma. Liban sa pinsala ng mismong base sa seguridad ng Pilipinas, tiyak na mapapalayas ang mga magsasaka at mangingisdang namumuhay sa lugar na target paglagyan ng baseng nabal.
Marami rin ang mawawalan ng kabuhayan kapag ginamit ng mga sundalong Amerikano at Pilipino ang mga abakahan, sakahan, baybay at dagat para maglunsad ng mga war games, ehersisyong militar at iba pang pagpapakitang-gilas.
Marawi City
Sa Marawi City, batid ng mga lider ng komunidad ang pagtatayo ng isang base militar gamit ang pondo ng EDCA sa “ground zero,” pero hindi ito isinasapubliko ng gubyerno. Iniulat din ng naturang mga lider ang balak na magtayo ng espesyal na sonang pang-ekonomya sa naturang lugar.

4) May kontrol ba ang Pilipinas sa mga “EDCA site”?
Walang kontrol ang gubyerno ng Pilipinas sa mga “EDCA site.” Taliwas sa sinasabi nito sa publiko na mananatili sa ilalim ng awtoridad ng Pilipinas ang mga lugar, itinakda ng EDCA na nasa kapangyarihan ng militar ng US ang kapasyahan na pahintulutang makapasok ang mga upisyal ng gubyerno ng Pilipinas kung ito ay umaalinsunod sa “kaligtasang pang-operasyon at mga rekisitong panseguridad” (Art. III, Sek. 5).
Bukod dito, hindi bibigyan ng pagkakataon ang Pilipinas na gamitin ang mga pasilidad at mga kagamitang ipapasok ng US sa “EDCA site”. Sa Art. IV, Sek. 3, itinakdang “ang mga ipupwestong kagamitan ng US ay para sa eksklusibong gamit ng mga pwersa ng US.”
Dagdag pa, malayang-malaya na makakapaglabas-pasok ng mga armas nukleyar ang US sa mga base militar. Taliwas sa ipinagmamalaki na probisyon sa EDCA na nagdedeklarang ang ipapasok na sandata ng US ay di kabibilangan ng mga sandatang nukleyar (Art. IV, Sek. 6), walang kapangyarihan ang gubyerno ng Pilipinas na siguruhin na sinusunod ito ng militar ng US. Katunayan, sa Art. IV, Sek. 4, isinasaad na ang mga pwersa at kontraktor ng US ay “bibigyan ng di nahahangganang akses sa mga Pinagkasunduang Lugar sa lahat ng usapin kaugnay ng pagpapakat at pagbobodega ng mga kagamitang pandepensa, mga suplay at mga sandata.” Sa ilalim ng MBA, pinaniniwalaang nakapagpwesto ang US ng mga sandatang nukleyar sa Pilipinas na hindi ipinaaalam ng US kung ilan at saan, at hindi rin inalam ng mga nagdaang papet ng gubyerno.
Wala na ngang kontrol sa base militar, binibigyan pa ng EDCA ng espesyal na pribilehiyo ang US at tinatratong isang kapangyarihang soberano na may ekstra-teritoryal na mga karapatan. Sa Art. VII, Sek. 1, isinasaad na maaaring gamitin ng mga pwersa ng US ang kuryente, tubig at iba pang yutiliti na ang kabayaran ay tulad ng sinisingil sa gubyerno ng Pilipinas at walang singil na buwis. Gayundin, sa Art. VII, Sek 2, “binibigyang-awtoridad ang US na magpatakbo ng sarili nitong sistemang telekomunikasyon” at “ang paggamit ng radio spectrum ay ibibigay nang libre sa US.”
5) Imprastrukturang militar para sa papalaki at permanenteng presensya
Pinirmahan ang EDCA sa balangkas ng “pagpihit sa Asia” ng US para apulain ang paglawak ng kapangyarihan ng karibal nitong imperyalistang China. Sa ilalim ng “pihit” na ito, ibinaling ng US ang 60% ng mga pwersang nabal sa rehiyon. Ang paglobo ng presensyang ito ay nangailangan ng dagdag na mga daungan, paliparan, baraks at iba pang pasilidad. Ang pagbabalik ng mga tropa ng US sa mga dating base at pagbubukas ng mga bago ay bahagi ng “pihit” na ito.
Instrumento ang EDCA sa pagsalo ng maramihan at matagalang deployment ng mga tropang Amerikano sa rehiyon, na namamalagi sa bansa sa tabing ng mga war games at iba pang aktibidad militar. Malayang nagagamit ng mga sundalong Amerikano ang mga pasilidad ng AFP at mga “EDCA site” sa mga pagsasanay na ito sa kapinsalaan ng mga Pilipino. Ang mga aktibidad na ito ay itinatakda ng Mutual Defense Board and Security Engagement Board (MDB-SEB).
Noong 2018, iniulat ng MDB-SEB ang paglulunsad ng 261 na pinagsanib na aktibidad ng US at Pilipinas sa bansa. Lumaki ito tungong 281 noong 2019, naging higit 300 noong 2020 at lumaki pa noong 2022 nang hindi lalampas ng 400 na mga aktibidad. Bigla itong lumobo tungong higit 500 noong 2023 at tinatayang mas malaki pa sa 2024.
Malinaw ring inilalarawan ng papalaking bilang ng mga kalahok sa Balikatan war games—ang pangunahing war games ng US at Pilipinas sa bansa—ang lumalawak na presensyang militar ng US at mga alyadong dayuhang bansa nito sa Pilipinas. Noong 2014, mayroong halos 2,500 tropang Amerikano ang lumahok sa Balikatan. Lumaki ito tungong 5,000 noong 2016 at itinakda sana ang paglahok ng may 6,500 sundalong Amerikano noong 2020 ngunit nakansela ang Balikatan dahil sa pandemya. Maging sa kasagsagan ng pandemyang Covid-19, itinuloy ang Balikatan kung saan lumahok ang limitadong bilang ng tropang Amerikano na 225.
Noong 2022, higit 5,100 sundalong Amerikano ang lumahok sa pagsasanay. Gumamit sila ng 50 eroplanong pandigma, apat na barkong nabal, 10 amphibious craft, apat na HIMARS rocket system launchers, at apat na Patriot missile systems. Kalahok rin sa pagsasanay ang 40 tauhan ng Australian Defense Force.
Ang Balikatan 39-24 ngayong taon ang maituturing na pinakamalaki sa kasaysayan na nilahukan ng halos 16,000 sundalo. Kabilang dito ang 11,000 sundalong Amerikano at 5,000 tropang Pilipino at mga sundalo ng Australia at France. Pumasok rin sa bansa ang mga kinatawang upisyal militar ng 14 pang dayuhang bansa para lumahok at magsilbing tagapagmasid.
Sa unang pagkakataon, dinala ng US ang Balikatan labas sa teritoryong dagat ng Pilipinas, kasama ang pwersang nabal ng France. Bago nito, isinagawa ng US ang “makasaysayang” maniobrang pandagat kasama ang Pilipinas, Australia at Japan. “Makasaysayan” din nitong ipinakat sa bansa at sa Asia ang bagong Typhon Missile System (TMS), na binubuo ng apat na missile launcher na may kapasidad na magpalipad ng misayl sa layong 1,600 kilometro.
Nagsagawa rin ng bagong mga war games ang US sa nagdaang dekada kabilang ang Cope Thunder at Maritime Cooperative Activity (MCA) sa West Philippine Sea. Dalawang serye ng war games panghimpapawid na Cope Thunder naman ang inilunsad ng US, isa noong Abril at isa noong Hulyo.
Mayor na mga war games ng Enero-Agosto 2024
Mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, halos kada dalawang araw ay mayroong inilulunsad na war games ang mga pwersang militar ng US sa kalupaan, kahanginan at karagatan ng Pilipinas. Kasama nila ang mga kaalyadong pwersang militar at mga tau-tauhan nitong Armed Forces of the Philippines (AFP). Naitala ang mga war games na ito sa loob ng hindi bababa sa 105 sa 244 araw, kung saan pinakamatagal at walang-patlang mula Abril 7 hanggang Hunyo 21 (76 araw). Sa kabuuan, lumahok sa mga ito ang hindi bababa sa 21,000 tropang Amerikano, mga sundalong Australian, Canadian, Japanese, French at iba pang mga dayuhang tropa.
Hindi iilan ang pagkakataon na magkakasabay ang dalawa hanggang tatlong war games sa bansa. Sa pamamagitan ng mga ito, permanente nang nakapaglalagi ang mga tropang Amerikano sa bansa.
Bago at matapos ang mga war games, kabi-kabilang pulong, paghahanda at inspeksyon ang inilulunsad ng dayuhang mga upisyal militar sa lugar ng mga aktibidad. Sa walong buwan, halos 20 matataas na klase ng pulong ang isinagawa ng mga upisyal militar ng US sa AFP, Department of National Defense at Malacañang.
6) Pagtutol ng mamamayang Pilipino sa EDCA
Mula nang pirmahan ang EDCA, kabi-kabila ang pagsisikap ng mga makabayan at demokratikong organisasyon para labanan at ipabasura ang kasunduan. Mula sa mga ligal na laban, mga demonstrasyon at internasyunal na kampanya, nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang pagtindig ng mamamayang Pilipino laban sa EDCA.
Wala pang isang buwan matapos pirmahan ang kasunduan, nagsampa ng mga petisyon sa Korte Suprema ang mga makabayang dating senador na sina Rene Saguisag at Wigberto Tañada kasama ang mga lider ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at iba pang mga progresibo noong Mayo 26, 2014 para kwestyunin ang pagiging konstitusyunal ng EDCA. Sina senador Tañada at Saguisag, kasama ang 10 pang senador, ay bumoto noong 1991 para palayasin ang baseng militar ng US sa Subic Naval Base sa Zambales at Clark Air Base sa Pampanga. Mayroon pang ibang petisyon na isinampa sa Korte Suprema laban sa EDCA.
Sa hatol noong Enero 12, 2016, idineklara ng Korte Suprema na konstitusyunal ang EDCA. Naging pinal ang desisyon noong Hulyo 26, 2016 kasunod ng pagkatalo ng motion for reconsideration sa naunang desisyon ng korte.
Sa kabila ng kabiguang ito, nagpatuloy pa rin ang mga kilos protesta at aktibidad sa pangunguna ng mga grupong pambansa-demokratiko laban sa EDCA, sa VFA at iba pang mga tagibang na kasunduang militar ng US sa Pilipinas.
Kabilang dito ang pagbatikos ng mga mangingisda sa mga war games sa karagatan na nagdudulot ng pagkadiskaril ng kanilang kabuhayan dahil sa pagpapataw ng “fishing ban.” Sa Ilocos, nagpahayag ng pagkabahala ang lokal na gubyerno sa paggamit ng kanilang lugar nang walang paalam para sa Balikatan. Inireklamo rin ng mga residente ang pagsasangkot sa kanila sa war games bilang mga tagabuhat ng kunwa’y sugatang mga Amerikano.
Pinakahuli sa mga pagsisikap na ito ang inilunsad ng Bayan-USA at Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya (P1NAS) na peace mission sa Central Luzon, Ilocos Norte at Marawi City para imbestigahan ang mga “EDCA site” at mga pinagdausan ng Balikatan 2024. Isinapubliko ng misyon ang kanilang napag-alaman noong Hunyo.
Kabilang sa mga natuklasan ng delegasyon ang pagtatambak ng US ng pinaghihinalaang gamit-militar sa labas ng itinakdang mga “EDCA site” at pagsasamantala ng mga sundalong Amerikano sa mga rekurso ng masang Cagayanon; pagsasabwatan ng mga pribadong kumpanya at militar; kawalang pagpapabatid sa mga komunidad sa Ilocos at Cagayan kung saan idinaos ang Balikatan na nagresulta sa troma at ligalig sa sibilyang populasyon; at militarisasyon, panggigipit at Red-tagging sa mga komunidad na nagtatanggol lamang ng kanilang kabuhayan. Sa Marawi City, naibahagi ng mga lokal na upisyal ang disimpormasyon kaugnay sa itinatayong base militar at “economic zone” kalapit nito sa “ground zero” gamit ang pondo ng EDCA.
Ibasura ang EDCA!
Lansagin ang mga base militar ng US sa Pilipinas!
_______
Inihanda ng:
Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Nobyembre 2024